Mendoza

15 PUVs na-impound ng LTO; 5 drivers positibo sa droga

October 12, 2023 Jun I. Legaspi 254 views

AABOT sa 15 public utility vehicles (PUV) ang na impound ng Land Transportation Office (LTO) sa isang anti-colorum operations sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) noong Oktubre 11.

Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Vigor D. Mendoza II, kasabay ang operasyon laban sa mga colorum sa road worthiness inspection at sorpresang drug test ng LTO-National Capital Region.

Sa pamumuno ng Regional Director Roque Verzosa III, limang tsuper ng PUV sa PITX ang nagpositibo sa ilegal na droga.

Sinabi pa ni Mendoza na binubuo ang mga naimpound na sasakyan ng siyam na bus, tatlong UV Express, dalawang jeepney at isang taxi.

Walo sa mga pangpasaherong bus ang na-impound dahil sa pagiging kolorum habang dahil sa mga depektibong piyesa at hindi paglalagay ng plaka ang ika siyam.

“Mahigpit ang bilin ng ating DOTr Secretary Jaime Bautista tungkol sa mga colorum na ito dahil ang naapektuhan ng mga iligal na operasyon ay mga lehitimong mga driver at operator na sumusunod sa alituntunin ng ating pamahalaan,” dagdag pa niya.

Sinabi naman ni Director Francis Almora, pinuno ng LTO Law Enforcement Service, alinsunod sa atas ni Assistant Secretary Mendoza
ang operasyon na paigtingin ang intelligence gathering gayundin ang pagpapatupad ng batas laban sa mga kolorum na PUVs.

Bilang tugon sa mga natanggap na intelligence reports, sinabi ng opisyal na nagtungo ang kanilang mga tauhan sa PITX at nagresulta sa pagharang ng 14 na sasakyan.

Walang maipakitang katibayan ang mga tsuper nang tanungin kung may hawak silang dokumento na nagsasabing maaari silang mag operate.

Sa panig ni Verzosa, aabot sa kabuuang 101 na mga tsuper ng PUV ang sumailalim sa sorpresang drug test bilang bahagi ng inspeksyon.

AUTHOR PROFILE