
15 containers na agri products, timbog sa Port of Subic
MABUTI na lang at laging alerto ang mga highly-trained na opisyal at tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa Port of Subic sa Zambales na pinamumunuan ni District Collector Ciriaco Ugay.
Kung hindi ay baka naibenta na sa lokal na merkado ang mga “misdeclared” na produktong agrikultura na galing sa labas ng bansa.
Ang mga “misdeclared goods” ay nakapaloob sa 15 40-footer container vans na idineklarang naglalaman ng frozen lobster balls.
Pagkatapos na makatanggap ng “reliable derogatory information” tungkol sa shipment ay umaksyon kaagad ang nasabing port of entry.
Nag-isyu agad si Collector Ugay, ng walong pre-lodgment control orders at dalawang alert orders.
Kaya naman nang idaan sa 100 percent physical examination ang mga shipment ay natagpuan ang iba’t ibang fresh agricultural products.
Ang mga produktong agrikultura ay kinabibilangan ng potatoes, carrots at broccoli.
Ayon sa BOC, the “misdeclared agricultural products will be subjected to seizure and forfeiture proceedings” dahil sa paglabag sa customs laws.
Ang mga rekord ay isusumite sa Bureau Action Team Against Smuggling “for case build -up and eventual prosecution” ng mga sangkot na tao.
Kaagad namang pinapurihan ni Customs Commissioner Bienvenido Y. Rubio ang mga taga-Port of Subic dahil sa pagkakasakote ng mga kontrabando.
***
Nakalulungkot ang mga nangyayari ngayon sa West Philippine Sea (WPS).
Bakit kailangan pang makipagpatintero sa mga barko ng China ang ating resupply boats para makarating tayo sa BRP Sierra Madre?
Ang masakit ay “hina-harass” pa tayo ng mga dayuhan sa loob mismo ng ating bakuran – ang exclusive economic zone (EEZ).
Kailangang matigil na ang mga harassment na ito. Huwag naman sana, baka kasi isang araw ay magre-resulta pa ang mga ito sa isang hindi magandang pangyayari.
Wala bang magagawa ang United Nations at iba pang world organizations para matigil na ang mga harassment na ito sa WPS?
Kesa habulin natin ang mga barko ng mga ismagler ng mga sigarilyo, gulay at illegal drugs ay kailangan pa nating gamitin ang mga water asset natin para alalayan ang ating resupply boats.
Hindi lang dagdag gastos ito sa gobyerno. Nagmumukha pa tayong kaawa-awa, lagi na lang binobomba ng water cannon ang mga sasakyang nating pandagat.
Kawawa talaga ang mga maliliit na bansa na kagaya ng Pilipinas.
Kaya nga dapat nating palakasin ang ating “friendly ties” sa mga bansang handang tumulong sa atin kung tayo’y may mga problema.
Tama ba kami, Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marocs Jr?
****
Hanggang ngayon ay meron pang 202 munisipyo sa buong bansa ang walang mga trak ng bumbero.
Nakakaawa naman ang mga taong nakatira sa mga bayan na ito. Huwag natin kalimutan na hindi lang panlaban sa sunog ang mga fire truck.
Ginanagamit rin ang mga trak na ito na pagra-rasyon ng tubig kapag nagkakaroon ng kakulangan ng potable water sa mga komunidad.
Gamit din ang mga trak ng bumbero kapag may oil spill sa mga lansangan.
Ayon kay Sen. Sonny Angara, chairman ng Senate committee on finance, na kailangan ng Bureau of Fire Protection ng P2.46 bilyon para makabili ng 164 bagong fire trucks.
Sa tingin natin, napapanahon na para lahat ng munisipyo sa bansa ay magkaroon ng isa man lang trak ng bumbero.
At kailangan ding magkaroon ng fire station ang bawat munisipyo para may paglagyan ng trak at tirahan ng firefighters.
Alam naman natin na 24 oras na nakabantay ang mga bumbero sa mga fire station upang sumaklolo sakaling may sumiklab na sunog o sakuna.
(Para sa inyong komento at suhestiyon, mag-text sa #0917-8624484/email: [email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan)