Default Thumbnail

100-ft Christmas tree pinailaw sa Gapan

November 26, 2023 Steve A. Gosuico 336 views

GAPAN CITY–Siniguro ng syudad na ito na ang “Christmas Pailaw sa Gapan City 2023” noong Sabado ang magiging pinakamaganda mula ng magsimula ang pailaw tuwing Kapaskuhan noong 2016.

May taas na 100 feet ang Christmas tree na pinailaw dakong alas-7:00 ng gabi kasabay ng 15 minutong fireworks na nagbigay liwanag sa paligid.

Ginanap sa plaza ang “Pailaw sa Gapan City 2023” na may temang “May Joy Sa Pasko sa Gapan.”

Pinangunahan ni Mayor Emary Joy Pascual ang ceremonial lighting kasama si Nueva Ecija Vice Gov. Emmanuel Antonio Umali, 4th district Rep. Emerson D. Pascual, Vice Mayor Inocencio “Dodong” Bautista Jr. at mga miyembro ng konseho.

Dumalo din sa pagtitipon sina San Isidro Mayor Florante Tinio, Provincial board member Tess Patiag at pinuno ng barangay at Sangguniang Kabataan.

Sa kanyang talumpati, inamin ni Mayor Pascual na naging mas malaki, makulay at mas engrande ang pailaw ngayong siya na ang nanunungkulan kumpara noong panahon ng kanyang kuya na si Cong. Pascual.

“Siya ang totoong bida dapat dito dahil nagsimula siya nitong 2016 kaya lang pasensya ka na mas maganda ang Christmas Lighting ko sa iyo, Congressman Emeng Pascual,” wika ni Mayor Joy.

Inihayag din ng alkalde na magdadala siya ng libreng noche buena packages sa bawat bahay sa lungsod simula ngayong Disyembre.

Sinabi ni Vice Gov. Umali sa mga nagtipon sa plaza na pagnilayan ang pagmamahal ng Diyos sa sangkatauhan na nagbuklod sa mga mamamayan ng Gapan City.

Kinilala ni Cong. Pascual ang mga nagawa ng kanyang kapatid na babae na higit pa sa nagawa niya noong siya ang alkalde ng lungsod.

AUTHOR PROFILE