Kulong

1 sa 2 nanghablot ng cellphone ng bebot na dayuhan timbog

March 5, 2024 Edd Reyes 221 views

BALIK-selda ang lalaking dalawang beses ng nakulong ng maaresto na naman sa panghahablot ng cellphone ng isang babaing Cameroonian noong Lunes sa Taguig City.

Kinilala ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Mark Pespes ang suspect na si alyas Kim, 22, habang nakatakas ang kasabwat niyang si alyas Vincent.

Naglalakad sa Lawton Avenue dakong alas-9:00 ng umaga ang Cameroon na si Jacqueline, 55, call center agent, nang biglang hablutin ng dalawang lalaking sakay ng motorsiklo ang kanyang Samsung mobile phone.

Tinangkang pigilan ng biktima ang mga suspek subalit itinulak siya ng mga ito kaya’t nagsisigaw na siya para humingi ng tulong.

Narinig siya nina Pat. Hever Caspe at Pat. Ralph Melvin De Guzman, ng Bonifacio Global City (BGC) Police Sub-Station 1, kaya natiklo ang isa sa mga nanghablot.

Sa pagnanais na makatakas, iniwan ni alyas Vincent ang motorsiklo at si Kim na nadakma kaagad ng mga pulis.

Nakuha sa motorsiklo ng mga suspek ang cellphone ng biktima, pati na ang sumpak na may tatlong bala ng 12-gauge shotgun.

Ayon kay P/Lt. Renato Ochinang, hepe ng BGC Sub-Station-1, sasampahan nila ng mga kasong robbery at paglabag sa R.A. 10591 o ang Comprehensive Firearm and Ammunition Act ang dalawang suspek sa Taguig City Prosecutor’s Office.

AUTHOR PROFILE