Quiboloy

Zubiri pipirmahan subpoena vs Quiboloy pagbalik mula Visayas

February 16, 2024 PS Jun M. Sarmiento 266 views

SINIGURADO ni Senate President Juan Miguel Zubiri na uunahin niya ang pagpirma sa subpoena ng kontrobersyal na leader at founder ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na si Pastor Apollo Carreon Quiboloy, na kasalukuyang nahaharap sa imbestigasyon sa Senado sa ilalim ng Committee on women, children, family relations and gender equality na pinamumunuan ni Senator Risa Hontiveros.

“I have been told by my staff that the issuance of the subpoena for Pastor Apollo Quiboloy has been prepared and is now ready for my signature. I am just in the Visayas at the moment for several engagements, but I will sign all these documents upon my return,” paniniguro ni Zubiri.

Kamakailan lamang ay nagpahayag si Hontiveros ng pagkadismaya sa umano’y pagkakabinbin sa opisina ni Zubiri ng kanyang subpoena, kung kaya’t gumawa aniya siya ng liham dito upang ipabatid na hanggang sa kasalukuyan ay nagaantay siya ng pormal na pirma nito kaugnay ng subpoena laban kay Quiboloy.

Sinabi ni Hontiveros na hindi aniya siya intrigera at hindi puwedeng siya ang sumagot para kay Zubiri kung bakit hindi ito napipirmahan, ngunit matiyaga pa rin aniya siyang maghihintay kung kinakailangan.

“To further update you, in the days and weeks after the hearing, my office is in receipt of credible evidence of threats on the lives of our first two witnesses and potential witnesses,” ani Hontiveros sa kanyang liham na ipinadala kay Zubiri, kung saan ay inamin din ng senadora na walang humpay sa pananakot at pangha-harass ang grupo ni Quiboloy sa mga testigo laban sa nasabing pastor.

Ayon naman kay Zubiri, uunahin niya agad ang pagpirma dito pagdating niya sa Maynila, kung saan ay kinumpirma din nito na sa kasalukuyan ay naroroon siya sa parteng Visayas.

Si Quiboloy kasama ng iba pang mga tagasunod niya ay nahaharap sa isang imbestigasyon sa Senado, kung saan ay inakusahan sila sa mga krimen tulad ng mga alegasyon ng sexual abuse, harassment, human trafficking at iba pang iligal na kaso kaugnay ng isinasagawa ng KOJC sa mga tagasunod nito.

Nauna pa rito ay ipinaliwanag ni Hontiveros na hindi magagawa ng kanyang komite na i-contempt si Quiboloy o makapag-isyu ang Senado ng warrant of arrest laban kay Quiboloy nang walang pirma mula sa pangulo ng Senado.

Sinabi rin ni Hontiveros na isang malaking kuwestiyon sa kanya kung bakit ito nagtatagal sa opisina ni Zubiri, lalo pa aniya at sa mga nakaraang pamunuan tulad ng kay dating Pangulo ng Senado na si Vicente Sotto III, kaugnay ng Pharmally isyu, ay agad na pinirmahan at na-release ang subpoena laban sa mga akusado.

Mabilis namang nagpaliwanag si Zubiri na sadyang kinain ang kanyang oras at panahon ng bangayan ng dalawang kamara, kung saan ang Senado at ang Mababang Kapulungan ay nagkaroon ng palitan ng maaanghang na salita sa mga nagdaang araw, pati na rin aniya ang tambak na administratibong trabaho niya bilang pangulo ng Senado.

Sinabi ni Hontiveros na tuloy ang kanyang imbestigasyon sa darating na Lunes, Feb. 19, 2024.

Matatandaan na tinawag ni Quiboloy na isang kangaroo court ang nagaganap na imbestigasyon sa Senado, kung saan ay sinabi nitong tuwiran na hinding hindi siya haharap sa imbitasyon ni Hontiveros.

Sa kasalukuyan ay nahaharap din si Quiboloy sa isang imbestigasyon sa Kamara de Representates kaugnay ng pagdinig sa kanyang network na Sonshine Media Network International o SMNI na sinasabing nagkaroon umano ng franchise violations.