ZPPO Si P/Col. Fitz Macariola, director ng Zambales Provincial Police Office (ZPPO), (kaliwa) at ang mug shots ng 3 sa 5 naarestong suspek. Larawan mula sa ZPPO FB page

ZPPO: 5 wanted ng batas huli

March 11, 2022 People's Tonight 623 views

ZAMBALES – 5 indibidwal na nahaharap sa iba’t-ibang kaso ang naaresto ng pulisya sa isinagawang operasyon sa lalawigan.

Sa ulat na nakarating kay P/Col. Fitz Macariola, ang director ng Zambales Provincial Police Office (ZPPO), kinilala ang mga arestado at nahaharap sa iba’t-ibang kasong kriminal bilang sina Nemesio Pantaleon, Jr., 40, ng Bgy East Dirita, San Antonio; Martin Nazareno, 37, ng Olongapo City; Ador Caigoy, 27, at Princess Xena Arellano, 25, ng Subic; at Allison Loraine Alfonso, 41, ng Olongapo City.

Noong Marso 9, nasakote ng grupo ni P/Lt. Darren Ganotan, hepe ng San Antonio MPS (Municipal Police Station), kasama ang 2nd Police Mobile Force Command, ang suspek na si Pantaleon na may kasong rape sa Branch 13 ng Regional Trial Court (RTC) sa Iba, Zambales.

Si Nazareno na 2 taong nagtago dahil sa 9 na kasong panggagahasa na nakasampa sa Br. 12 ng RTC sa Olongapo City ay naaresto naman ng Castillejos MPS, Olongapo City Police force.

Samantala, sina Caigoy at Arellano ay nabitag sa police buy-bust operation sa Bgy. Calapacuan, Subic kung saan ay nakumpiska sa kanila ang P13,000 halaga ng hinihinalang shabu.

Sa isinagawang manhunt operation ng Botolan MPS at LTO-Iba, naihain kay Alfonso ang warrant of arrest para sa kasong carnapping habang ito ay nakakulong sa Olongapo City Jail dahil sa iba pang kaso.

“Magpapatuloy ang Zambales PNP na maaresto at maikulong ang mga taong pinag-uusig sa batas, at mapangalagaan ang kaligtasan ng komunidad lalo na ngayon na tayo ay nasa pagsubok pa rin ng pandemiya,” wika ni Macariola. Ni Ruben A. Veloria

AUTHOR PROFILE