Zephanie kilala bilang singer pero may nagpapalakas ng loob sa pag-arte
KILALA si Zephanie bilang isang mahusay na singer, at sa ngayon, isa siya sa mga malaki ang pangako sa larangan ng pagkanta.
Pero kamakailan lamang, muli niyang binalikan ang pag-aartista bilang isa sa pangunahing bituin ng teen-oriented show na “Maka” ng GMA Public Affairs kung saan kasama niya sina Ashley Sarmiento at Marco Masa, gayundin sina Chanty (ng grupong Lapillus), Dylan Menor, John Clifford, Olive May, Sean Lucas, “Bangus Girl” May Ann Basa, at award-winning actor na si Romnick Sarmenta.
Bago rito , nakasama rin siya sa TV series na “Pulang Araw” bilang si Chichay, isa sa chorus girls ng Queen of Bodabil Katy Dela Cruz, na ginagampanan ni Julie Anne San Jose. Isa rin siya sa mga pangunahing bituin ng series na “Batang Riles.”
Ang totoo, nagsimula siya bilang isang child actress sa pamamagitan ng “Biritera” sa GMA.
Pero mas nagningning ang kanyang pangalan sa pagkanta matapos siyang tanghaling winner sa unang “Idol Philippines.” Nakasama siya sa ilang omnibus album, at nakaawit siya ng ilang theme songs, at naging regular sa ASAP. Napasama pa siya sa ilang grupo, pero hinfi nagtagal, bumalik siya bilang solo artist.
Sa pagbabalik niya sa GMA, gayundin sa pag-arte, ani Zephanie: “Siguro po natututunan ko na pong mahalin ‘yung pag-arte kahit na before isa po siya sa greatest fear ko kasi mahiyain talaga ako noong bata.”
Ayon sa kanya, ang mga naging karanasan niya sa buhay, gayundin ang mga pagbibigay sa kanya ng lakas ng loob ng mga tao sa paligid niya ay lubos niyang pinahahalagahan para lalong sumidhi na pagbutihin pang lalo ang kanyang mag kakayahan.
Sa totoo lang, aniya, bahagi rin ng pagkanta ng pag-arte.
“I know with singing po, andon pa rin po ang pag-arte kasi you have to sing with emotions and ‘di naman lahat ng kanta nakaka-relate ako pero dahil po it’s art, part po ‘yun ng pag-arte,” sabi pa niya.
“Feeling ko po ever since nandoon na po siya sa heart ko and mas nag-fire up po siya noong talagang napasabak po ako sa pag-arte,” dagdag pa niya. “And lahat po ng nakatrabaho ko ever since, mayroon po silang na-impart sa akin na kung bakit mas napapamahal po ako sa pag-arte. Andon pa rin po ‘yung pagkanta, mahal ko pa rin ‘yung pagkanta, pero ngayon pareho na.”
Mapapanood na ang “Maka” simula sa Sabado, September 21.