Zanjoe

Zanjoe ayaw pang i-expose si Baby Marudo sa socmed

November 10, 2024 Vinia Vivar 143 views

Matapos ang dalawang taon, balik-trabaho na si Zanjoe Marudo dahil bibida siya sa upcoming family drama movie na “How to Get Away from my Toxic Family” produced by Ogie Diaz Productions.

Sa announcement presscon na ginanap last Saturday, parehong excited si Z at ang producer niyang si Ogie Diaz sa naturang proyekto, lalo na nga ang aktor, na nagustuhan agad ang kwento ng pelikula kaya umoo siya agad kahit wala pa itong script.

“Excited ako sa project na ‘to. After siguro mga almost two years, hindi ako tumanggap ng trabaho. ‘Eto ‘yung isa sa projects na tinanggap ko dahil alam kong ‘eto ‘yung isa sa mga hinahanap ko matagal na, ‘yung mga ganitong klaseng concept, ‘yung mga ganitong klaseng istorya,” he said.

Super thankful din si Ogie na tinanggap ni Z ang project dahil talagang nu’ng binuo nila ang konsepto ay ang aktor lang ang gusto nilang gumanap sa lead character.

“Talagang inawitan namin si Zanjoe para tanggapin niya. Kung tatango si Zanjoe, saka pa lang kami magka-casting,” sey ni Ogie.

Ang pelikula ay tumatalakay sa family drama ng karakter ni Zanjoe kaya ang mga kinuha nilang artista ay kamukha ng aktor para believable nga naman na isang pamilya sila.

Ilan sa mga kasama sa cast ay sina Nonie Buencamino at Susan Africa bilang ama at ina ng karakter ni Z, Richard Quan, na gumaganap na panganay na anak, at marami pang iba.

Ang naturang pelikula ay first project ni Z ngayong isa na siyang ganap na ama matapos ngang makapanganak ang misis niyang si Ria Atayde sa kanilang first baby.

Natanong namin sa aktor kung kailan ang face and name reveal ng kanilang baby boy. Aniya, hindi pa sa ngayon dahil masyado pa itong bata para i-expose sa social media.

“Hindi ko naisip ang name reveal o face reveal,” sabi ni Z. “’Pag may nagtanong, ‘pag may gustong makita, pinapakita ko at sinasabi ko ang pangalan pero hindi para iharap o post ko sa online.”

Paliwanag ng aktor, “Masyado pa siyang bata, parang masyado pa siyang maliit. Kumbaga, wala pa siyang two monts, eh. Kaya hindi ko makita ‘yung point kung bakit ko siya kailangang i-post sa online.”

Hindi naman daw nila itinatago ang anak at ipinapakita naman nila ito sa mga gustong makakita.

“Kung gusto n’yo namang makita, ipapakita ko sa inyo,” aniya.

Masaya ngang ipinakita sa amin ng aktor ang photos and videos ni Baby Marudo at napaka-cute naman talaga nito.

Tama ang lolang si Sylvia Sanchez na nakuha nito ang kulay ni Arjo Atayde pero kamukhang-kamukha ni Zanjoe.

Needless to say, sobrang happy si Z na isa na siyang ama at excited nga siya laging umuwi para makita ang kanyang pamilya.

Samantala, magsisimula na sa Monday ang shooting na “How to Get Away from my Toxic Family” mula sa direksyon ni Law Fajardo. Ipalalabas naman ito exclusively sa lahat ng SM Cinemas sa January 22, 2025.

E-WALLET NI POKWANG IN-ADJUST

Matapos ang pagrereklamo ni Pokwang sa nangyaring pagkawala ng kanyang pera sa GCash ay nakatanggap ang actress/comedienne ng sagot mula sa nasabing e-wallet application.

Ipinost din ni Pokwang sa Instagram ang official statement ng GCash na nagsasaad na nagkaroon ng “errors” sa isinasagawang system reconciliation process kaya’t may ibang users na naapektuhan nito.

In-assure naman ng management na maibabalik ang pera ng affected users.

“We have identified and reached out to affected accounts. Wallet adjustments are ongoing,” ang bahagi pa ng nakasaad sa statement.

Last Saturday ay ibinahagi ni Pokwang sa IG ang masaklap na karanasan na nasaid ang laman ng kanyang e-wallet nang hindi siya ang nag-transact.

“Naghahanap buhay po ako ng marangal nagbibigay po ako ng hanap buhay sa mga single mom, tapos isang umaga pagka gising mo simot ang laman ng GCASH accnt???

“Ibat ibang number na hindi naka rehistro halos nasa 30 numero na hindi naka rehistro!!! ano nangyare sa registered sim policy ngayon?

“Nakakaiyak binangon ko mag isa ang negosyong pinabayaan ng taong inasahan ko pinag katiwalaan ko pati ba naman dito naisahan parin ako?

“Nakakaiyak talaga sana naman @gcashofficial tulungan nyo mga kagaya kong naghahanap buhay ng patas at nagbibigay ng hanap buhay din,” pahayag ng Kapuso actress.

AUTHOR PROFILE