Yves

Yves at Gillian, inamin ang MU (mutual understanding)

August 1, 2023 Vinia Vivar 371 views

Kinilig naman kami nang bongga kina Yves Flores at Gillian Vicencio sa mediacon kahapon ng digital series nilang “ReTox 2 Be Continued.”

Panay ang bulungan, lambingan at titigan nila nang matamis sa harap ng entertainment press na parang sila lang ang tao sa 9501, huh!

In fairness, hindi maitatangging ang lakas talaga ng chemistry nila off and on-cam at bagay talaga sila.

Dahil nga tamis-tamisan sila sa mediacon, panay tuloy ang urirat sa kanila ng press kung mag-ano ba talaga sila. May relasyon na bang namamagitan sa kanila off cam?

Panay ang sabi nila na friends lang sila. Ayaw naming paniwalaan dahil kapag tinatanong sila about their relationship, hindi sila agad nakakasagot at nagtitingingan muna.

Sabi ni Gillian, “For now po, trabaho po muna, tapos tingnan po natin kung saan po talaga siya papunta. Kasi masaya naman po kami sa…” na biglang naputol dahil may binulong sa kanya si Yves.

“Sabi niya po, pwede na raw ba akong ligawan after two years nu’ng nagsu-shoot pa kami ng ‘2 Good (2 Be True),’” pagbubuking ni Gillian.

Hirit naman ni Yves, “Pabiro ko lang sa kanya ‘yun. Pero kasi, nakaka-one year na so, may one year pa. Let’s see. Joke lang!” sabay-akbay kay Gillian.

Nang matanong kung kahit MU (mutual understanding) ba ay wala, matagal na nag-isip si Gillian na tila hindi alam kung ano ang ibig nitong sabihin.

Parang ipinapaliwanag naman ni Yves sa kanya nang mahina’t ‘di naririnig ng press.

“Ahhh… walang label pero kami? Ganu’n? MU? Ganu’n po ba ‘yun?” tanong ni Gillian.

“Siguro naman po meron. Mutual understanding about each other’s feelings. Ganu’n,” sabi ni Gillian.

Kinilig ang mga tao sa mediacon habang si Yves naman ay hinihimas ang likod ni Gillian.

Sabi naman ni Yves, kahit ‘yung co-stars nila sa “2 Good 2 Be True” ay ‘yan din ang tanong sa kanila.

“Lagi akong naku-corner ng mga girls, sina Tita Gelli (de Belen), sina Kathryn (Bernardo) ‘ano na, ano na?” ganu’n. Hindi ako sumasagot. Parang naiinis sila sa ‘kin. ‘Ba’t ako tinatanong n’yo? Si Gillian ang tanungin n’yo,” sey ng aktor.

Nabanggit din ni Gillian na lumalabas sila ni Yves paminsan-minsan at sey ng binata, dumadalaw-dalaw din siya sa bahay ng ka-loveteam.

Dagdag pa niya, “Kunyari po, may ganap kami. Susunduin nya po ako, ihahatid sa bahay.”
Well, kung hindi pa “sila” ang tawag diyan, ewan namin kung mag-ano sila.

Samantala, ang “Retox 2 Be Continued” ay spin-off ng “2 Good 2 Be True” series na pinagbidahan nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla.

Dito isinilang ang loveteam na ReTox (Red and Tox) na talaga namang kinagiliwan at kinakiligan din ng manonood.

Kaya naman naisip ng ABS-CBN na bigyan sila ng sariling series bilang Red at Tox, ang mga karakter nila na minahal natin sa “2 Good 2 Be True.”

Nagsimula na ang serye ngayong gabi sa YouTube channel ng ABS-CBN Entertainment at mapapanood mula Martes hanggang Biyernes for two weeks (eight episodes).

AUTHOR PROFILE