Young Guns tinutulan pagtataas ng OVP badyet
MARIING tinutulan ng mga lider ng Young Guns ng Kamara de Representantes ang panukala ni Sen. Sherwin Gatchalian na dagdagan ang inaprubahang P733-milyong badyet ng Office of the Vice President (OVP) para sa 2025.
Iginiit ng mga kongresista ang kawalan ng malinaw na paliwanag kung papaano ginastos ng OVP ang mga badyet na ibinigay dito at nagbabala laban sa mga “budol” na taktika diumano upang maloko at malito ang publiko.
Sinabi ni Sen. Sherwin Gatchalian na may mga pag-uusap tungkol sa pagdaragdag ng pondo ng OVP na pinamumunuan ni Vice President Sara Duterte upang makapagbigay umano ito ng tulong sa mga nangangailangan.
Pinuna rin nina House Deputy Majority Leader Paolo Ortega ng La Union at Assistant Majority Leader Jay Khonghun ng Zambales ang pabago-bagong posisyon ng OVP kaugnay ng panukala nitong badyet.
Ayon sa mga mambabatas, nauna ng sinabi ng OVP na bahala na ang Kongreso na magdesisyon kung magkano ang alokasyon na ibibigay nito sa ahensya. Subalit ngayon ay humihingi na umano ang OVP ng pagtaas, ayon kay Gatchalian.
“Parang paiba-iba ‘yung statement. Before they (OVP) told the House na bahala na po ang House of Representatives saka Senate kumbaga doon sa hatol sa budget nila, pero ngayon parang nag-iiba ‘yung statement,” ayon kay Ortega.
Iginiit ni Ortega na ang mga regional office ng mga ahensya tulad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Health (DOH) ay handa at may sapat na kakayahan upang magbigay ng tulong na sinasabing dahilan ng hinihinging karagdagang pondo ng OVP.
“Naka-setup naman po ang mga regional agencies natin eh, so maiiwasan pa nga na may duplication [of functions],” saad nito.
Dagdag pa ng kongresista: “Pero paiba-iba ang statement. Siguro sinusubukan nilang ibudol-budol ‘yung mga iba diyan para ma-confuse para, ewan ko, parang gusto nila na maawa sa kanila.
Mahirap na rin kasing paniwalaan dahil ‘yun nga parang budol-budol statement na naman eh.”
Nanindigan ang mambabatas na kumakatawan sa unang distrito ng La Union na hindi naipresenta ng maayos ng OVP ang mga programa nito sa mga pagdinig ng budget sa Kamara, na nagdulot ng pagdududa sa kredibilidad nito.
“Nakita po natin na hindi maipaliwanag ang mga programa na nilatag nila dito sa House of Representatives,” paliwanag ng mambabatas. “Noong nakita namin na hindi maipaliwanag, wala naman pong gustong magpaliwanag, wala naman pong kaukulan na, sabi nga nila, ‘ika nga resibo na makita. Ano naman ang gagamitin mong rason para ituloy ang budget na iyon kung underutilized siya o hindi man lang nagamit ng maayos?”
Panawagan naman ni Khonghun ang mas mahigpit na pananagutan bago pag-isipan ang pagdagdag ng pondo.
Ipinunto niya ang diumano’y kakulangan ng transparency sa paggamit ng OVP ng P500 milyong confidential funds, na kasalukuyang iniimbestigahan sa Kongreso.
“Kailangan ng transparency and accountability sa lahat ng budget at pondo na ibinibigay ng ating pamahalaan,” ayon kay Khonghun.
“Nakita naman natin ngayon ‘yung pag-iwas ng Office of the Vice President, ni VP Sara, sa accountability at transparency kung paano nila ginagamit ‘yung pondo. So papaano pa natin sila pagkakatiwalaan,” giit pa ng kongresista.
Tinukoy din ni Khonghun ang nagpapatuloy na kontrobersiya tungkol sa mga alegasyong pekeng benepisyaryo sa mga liquidation document ng OVP, kabilang na ang sinasabing Mary Grace Piattos.
“Ayaw na natin magkaroon ng iba pang Mary Grace Piattos at Chippy McDonald (social media) sa mga liquidation report at mga acknowledgment receipt,” saad nito.
“Binibigyan na natin ng pagkakataon si VP Sara na makaiwas sa katiwalian at anomalya na kinakaharap niya ngayon,” diin nito.
Nauna nang sinang-ayunan ng Senado ang pasya ng Kamara na bawasan ng P1.3 bilyon ang 2025 budget ng OVP, mula sa orihinal na hinihinging P2.03 bilyon at ibinaba ito sa P733 milyon.
Binanggit din ng Senado ang kawalan ng mga kaukulang dokumento mula sa OVP bilang pangunahing dahilan ng kanilang desisyon na panatilihin ang badyet na ibinigay ng Kamara.
Ang pagsang-ayon ng Senate finance committee sa ginawang pagbawas ng Kamara ay nagpapatibay umano sa ginawang masusing pagsusuri ng Kamara sa badyet at nagbibigay-katwiran sa desisyon nitong ilipat ang bahagi ng pondo ng OVP sa DSWD at DOH.
Ang suporta ng magkabilang panig sa pagbawas ng budget na ito ay nagpapakita ng pagkadismaya ng parehong kapulungan dahil sa sinasabing kawalan ng transparency at kooperasyon ni VP Duterte at ng kanyang opisina.