Yogi Filemon Ruiz ng San Remigio, Cebu, bagong hepe ng BoC

July 24, 2022 Vic Reyes 199 views

Vic ReyesNATAPOS na ang halos isang buwang “guessing game” sa aduana na naging dahilan para magkaroon ng nerbiyos at matinding pag-alaala ang mga nagtatrabaho dito.

Lalo na ang mga opisyal at kawani ng Bureau of Customs (BOC), importer, broker at iba bang may transaksyon sa tinaguriang “snake-infested waterfront” sa Maynila.

Nagpalakpakan at naghiyawan nang kumalat sa aduana ang balitang meron ng bagong hepe ng BOC, ang pangalawang pinaka-malaking revenue-agency ng gobyerno.

Sino ang hindi matutuwa, kasama na ang mga waterfront-based reporter, broadcaster at photographer, eh isang “insider” ang papalit kay BOC chief Rey Leonardo Guerrero.

Ito ay si Yogi Filemon Ruiz, ang masipag na direktor ng Enforcement and Security Service (ESS).

Matatandaan na noong 2017 ay dinala ni Commissioner Isidro Lapena si Ruiz sa BoC mula PDEA para pamunuan ang ESS, ang customs police.

Bago naging BOC chief si lapena, ay naging director-general siya ng PDEA.

Si Ruiz, na taga-San Remigio, Cebu, noon ang PDEA regional director ni Lapena sa Central Visayas.

Ayon sa record, maraming accomplishments si Commissioner Ruiz bilang regional director ng PDEA Region 7.

Ito ang dahilan kung bakit binansagan siyang “Drug Buster” ng CV ng maraming sektor, kasama na ang media, religious group, acadame at civil society sa rehiyon.

At ngayong siya na ang mamumuno sa aduana,

marami ang naniniwala na lalo pang tataas ang tax collection ng BOC at gaganda ang serbisyo sa mga pantalan.

Paiigtingin din niya ang kampanya laban sa korapsyon sa aduana alam niyang ito ang gusto ni Pangulong Marcos Jr. na matigil na ang kawalanghiyaan sa gobyerno.

Pero naniniwala ang kanyang mga kaibigan, supporter at pati kritiko na ang bagong BOC commissioner ay magiging “fair and just” naman sa kanyang mga desisyon.

Ang BOC at iba pang ahensiya ng gobyerno at ng transacting public ay hindi magkaaway kundi “partners in the gigantic task of nation-building,” ayon sa maraming sektor.

Kaya nga sa waterfront ay dapat magtulungan ang mga taga-BOC, importer at broker para maging maayos ang working relationship ng mga stakeholder.

Dapat ipatupad ang customs laws, rules and orders na walang kinikilingan.

Nagsisimula kasi ang problema at iringan kung may nakikita ang ilang small importers at customs brokers na pinapaboran ng ilang opisyal at kawani ng BOC.

Pero naniniwala tayo na walang paboritismo sa pamumuno ni Commissioner Ruiz.

Magiging maayos ang pamamalakad ng bagong komisyuner dahil alam naman niya ang “ins” and “outs” sa aduana, lalo pa’t ang magiging katulong niya ay ang kanyang Chief of Staff na si Atty. Lourdes Mangaoang, isang beteranang abogado at opisyal ng aduana.

Alam at kilala naman ng lahat kung gaano kagaling at kasipag si Atty. Managaoang.

Kaya nga’t masasabi natin na nasa direksyon agad ang pagsisimula ni Comm Ruiz, bilang hepe ng BoC.

Ang kailangan lang ay magkaroon ng “unity” ang mga stakeholder para sila may “peace of mind” habang nagtatrabaho sa tinaguriang “snake-infested waterfront.”

Hindi ba, Pangulong Marcos, Finance Secretary Benjamin Diokno at Commissioner Ruiz?

***

Ngayong araw na ito ide-deliver in Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. ang kanyang kauna-unahang State-of-the Nation Address (SONA).

Gagawin ito sa harap ng joint session of Congress – Senado at ng House of Representatives – sa Batasang Pambansa complex sa Quezon City.

Dadaluhan din ito ng mga piling bisita galing sa ibang bansa, kasama na ang Estados Unidos, Russia at China, at mga miyembro ng influential na “Diplomatic Corps.”

Mahalaga ang SONA ni Pangulong Marcos dahil dito niya ilalahad ang mga programa niya sa anim na taon niyang administrasyon na magtatapos sa Hunyo 30, 2028.

Malalaman na natin ang focus ng kanyang presidency. Pero siguradong itutuon niya ang kanyang pansin sa pagbaka sa mga mabibigat na problema ng bansa.

Nandiyan ang kahirapan, kawalan ng trabaho, walang tigil na pagtaas ng presyo ng bilihin at serbisyo, coronavirus disease 2019 (COVID-19), pababang agricultural production at iba pang problema.

Nandiyan pa rin ang illegal drugs, graft and corruption sa mga opisina ng gobyerno, at kriminalidad.

Hihintayin din ng marami ang desisyon ni Pangulong Marcos kung itutuloy o hindi ang nakatakdang eleksyon ng barangay at Sangguniang Kabataang sa Disyembre 5.

Wala na kasing ginawa ang mga taga-barangay kundi magpa-tutsadahan dahil sa nalalapit na halalan.

Sana i-anunsyo ni Pangulong Marcos sa kanyang SONA kung matutuloy o hindi ang dalawang eleksyon.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484/email: tingnannatin08@gmail.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE