Yen at Christine nagpaseksi para sa kamalayan ng kasaysayan
DAHIL sa maiinit na usapan tungkol sa kasaysayan na nilikha ng ‘Pulang Araw’ TV series, nagkaroon ng kamalayan ang marami sa mga naganap noong panahon ng pananakop ng mga Hapones sa ating bansa.
Kaya naman marami ang na-curious sa erotic drama na “Celestina: Burlesk Dancer” na palabas ngayon sa mga sinehan.
Tampok ang mga mahuhusay na sexy actress ng VMX na sina Yen Durano at Christine Bermas, ang naturang pelikula ay tungkol sa isang batang ina na napilitang maging isang sexy dancer sa panahon ng Hapon upang magkaroon lamang ng ipakakain at ibubuhay sa anak.
Ang ‘Celestina: Burlesk Dancer’ na kolaborasyon ng National Artist na si Ricky Lee at ng mahusay na direktor na si Macarthur Alejandre, ay nagtatampok din sa mahusay na aktor na si Sid Lucero at Aaron Villaflor.
Si Celestina o Tinay (Yen) ay napilitang iwanan ang asawang si Cornelio (Sid) nang mahuli niya ito kasama ang ibang babae. Dala ang anak, nangibang-bayan siya at nakilala si Rosalinda (Christine Bermas) na tumulong sa kanya upang makapasok bilang isang burlesque dancer sa tanghalang pag-aari ni Estong (Allan Paule) kung saan siya naging star. Nakilala niya si Leandro (Arron Villaflor), na isang disenteng lalaki pero may itinagong lihim.
Natuklasan ni Tinay nang hulog na ang loob niya kay Leandro na miyembro pala ito ng Hukbalahap. Samantala, ang dating asawang si Cornelio naman ay naging Makapili o mga Pilipinong kampi sa mga Hapon.
Kasalukuyang napapanood sa mga sinehan sa buong kapuluan ang ‘Celestina: Burlesk Dancer’.