Yen at Christine back-to-back ang paggiling sa ‘Celestina: Burlesk Dancer’
Dahil sa success ng “Unang Tikim” sa mga sinehan, inihahandog ng VMX ang ikalawang original movie na mapapanood sa big screen – “Celestina: Burlesk Dancer”.
Ito ay pagbibidahan nina Yen Durano at Christine Bermas at iikot ang kwento sa isang ina na papasukin ang pagiging burlesk dancer para buhayin ang kanyang anak sa panahong humaharap naman ang Pilipinas sa pananakop ng mga Hapon.
Ito ang pinakabagong collaboration ng National Artist na si Ricky Lee at award-winning filmmaker na si McArthur C. Alejandre.
Taong 1940s, habang kontrolado ng bansang Japan ang Pilipinas, si Celestina o Tinay (Durano) ay meron ring sariling pinagdadaanan.
Ang asawa niyang si Cornelio (Sid Lucero) ay lasinggero, sugalero at babaero. Galing ito sa mayamang pamilya pero unti-unting naubos ang kanilang kayamanan.
Hindi ito matanggap ni Cornelio at hanggang ngayon ay astang mayaman pa rin. Si Tinay ang kumakayod para sa kanilang pamilya.
Nang mahuli ni Tinay si Cornelio na nakikipagtalik sa iba, nagpasya na itong iwanan na ang asawa.
Bitbit ang kanilang anak na si Joaquin, magbabagong-buhay sila sa ibang bayan. Doon niya makikilala si Rosalinda (Bermas) na tutulong sa kanyang makakuha ng trabaho bilang burlesk dancer sa teatrong pag-aari ni Estong (Allan Paule).
Sisikat nang husto si Tinay, at matitipuhan siya ng matipunong lalaking si Leandro (Arron Villaflor).
Magkakarelasyon sina Leandro at Tinay, pero kung kailan naman mukhang umaayos na ang lahat ay malalaman niyang miyembro ng Hukbalahap (Hukbong Bayan Laban sa Hapon) si Leandro at may gusto itong ipagawa sa kanya.
Samantala, bumabalik sa eksena si Cornelio na pumanig naman sa mga Hapones.
Sa gitna ng mga kaguluhan, tunghayan ang mga hakbang na gagawin ni Tinay para sa ikabubuti at kaligtasan ng kanyang anak at sa kapakanan ng bayan.
Ipalalabas ang “Celestina: Burlesk” sa mga sinehan simula December 4.