Default Thumbnail

Year-end bonus ng mga kawani ng Manila City Hall, ilalabas na

November 15, 2022 Edd Reyes 198 views

TATANGGAPIN na ng mga kawani ng Manila City Hall ang kanilang year-end bonus simula Biyernes, Nobyembre 18, 2022, na katumbas ng isang buwan nilang sahod.

Ito ang ini-anunsiyo ni Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan sa naganap na pagpupugay sa watawat ng Pilipinas nitong araw ng Lunes, kasabay ng panawagan sa mga kawani na magkaloob ng “tapat, tuwid at maayos” na serbisyo sa kanilang mga kababayan sa Lungsod ng Maynila.

“Lagi nga po naming sinasabi na sana ay isaisip natin at isapuso natin ang tunay na diwa ng Kapaskuhan dahil ito po ang kapanganakan ng ating Mahal na Panginoon at magagawa natin ito sa pamamagitan ng pagkakaloob ng tama, tuwid at maayos na serbisyo sa ating mga kababayan dito sa Lungsod ng Maynila,” pahayag ni Mayor Lacuna-Pangan.

Tinawagan din ng pansin ng alkalde ang lahat ng mga nangangasiwa sa pag-aasikaso ng mga dokumento ng bawat kawani sa lahat ng mga departamento upang maging maayos at mabilis ang pamamahagi ng year-end bonus.

“Dapat, bilis-kilos tayo ng sa gayon, masaya naman ang Kapaskuhan ng lahat ng mga kawani ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila,” sabi pa ng alkalde.

Inihayag pa ni Mayor Lacuna-Pangan na sa mga susunod na araw, marami pang mga aktibidad na may kaugnayan sa pagdiriwang ng Kapaskuhan ang magaganap sa Lungsod ng Maynila at una na rito ay ang sabay-sabay na pagpapailaw ng mga Christmas Tree at parol, Martes alas-6 ng gabi.

Kabilang dito ang pagpapailaw sa Christmas Tree at Belen na gaganapin sa Kartilya ng Katipunan, pagpapailaw sa Christmas Tree sa Bulwagang Rodriguez, pagsisindi ng ilaw ng mga parol sa kahabaan ng Taft Avenue, Roxas Boulevard, Quezon Blvd., P. Burgos Drive at Lawton, pagpapailaw sa National Museum of Fine Arts Building facade, gayundin ang pagpapailaw sa Christmas Tree sa Rizal Park, Manila Central Post Office at Tutuban Center facade.

AUTHOR PROFILE