Year 2025: Huwag matakot sa paglikha ng bagong ikaw
ANG Nokia na isang sa pinakamalaki at pinakaunang mobile phone manufacture/conectivity sa buong mundo ay nagsara matapos malugi kalaunan nang maglabasan ang bagong moda ng telepono.
Ang Kodak na siyang gumuhit ng larawan ng mundo na may daan-daang libong empleyado worlwide ay nabakangkorate rin at gumuho nang magkaroon ng kanya-kanyang camera ang lahat ng may hawak ng cellphone.
Ang ibang dating tanyag na artista dito sa atin na sinasamba sa kasikatan, hindi mabilang ang yaman subalit ang saklap ng kanilang sinapit nang bumaba ang telon ng sinehan. Mas mahirap pa sila ngayon sa daga at isa nang mukha ng kahirapan.
May dating malalaking kompanya dito sa atin noon ang nagtanggal ng libu-libong trabaho, nalugi at nagsara nang bigwasan sila ng tadhana, naglaho ang lahat ng kanilang kapangyarihan.
Hindi mga kathang-isip ang mga senaryong ito. Mga pangyayari sa totoong buhay ng tao at sa totoong buhay ng negosyo. Sa isang kisapmata, kung hindi ka makasasabay sa pagbabago, magigisnan mo ang isang umaga na kasama ka na sa mga inanod ng panahon ng hindi mo pinansing gumagalaw at nagbabago.
Sino bang mag-aakala na darating ang panahong puwede ka nang hindi magpunta sa bangko pero makapagwi-withdraw ka ng pera? Nang dumating ang ATM, ginulat tayo ng isang sistemang hindi natin naisip na darating noong dekada 70.
Biglang nagkaroon pa ng online banking na hindi mo na rin kailangang pumila sa ATM pag kailangan ng pera sa iyong mga bayarin.
Dumating pa ang mga Gcash, paymaya at kung anu-ano pang online transaction para magbayad ng iyong mga ultility bills o ng iba pang obligasyon. At ang mas maganda, ito na rin mismo ang nagagamit para magpadala ka ng pera sa mga mahal mo sa buhay na malayo sa iyo.
Pero ang mas mabigat, iyong mga dating hinahabol ka para humingi ng tulong sa iyo, Gcash na rin ang gusto nila—wala nang pamasaheng kailangan, wala pang mukha na kailangang humaharap.
Matagal-tagal din akong naging editor ng mga tabloids. Nakapagtrabaho na rin ako sa mga malalaki at malilit na TV at radio stations. Palagi namang mas mataas sa minimum wage ang nagiging suweldo ko kasi nga may posisyon naman ako sa mga kompanya magmula pa noong mga early 90s hanggang early 2000.
Pero pinag-aralan kong mabuti ang buhay, tiningnan ko kung angkop ba ang bilog sa isang parisukat na gusto kong buhay. Tama rin, hindi naman ako magugutom dahil may maayos naman akong sahod kung mananatili ako sa ganoong posisyon.
Nang magsukat-sukat at magkuwenta-kuwenta ako, nakita kong kahit 50 taon ako sa ganoong mga uri ng posisyon, baka nga nariyan na ang AI, nariyan na ang social media pero ako ay umuukit pa rin ng letra sa diyaryo.
Nagre-recalibrate ako noon pang mga taong 2005 matapos ang 15 years sa diyaryo, radyo at telebisyon. Nag-iba ako ng linya pero nasa riles pa rin ng media at public relations. Itinaas ko ang ante, binago ko ang kamada, gumuhit ako ng bagong linya na dadaanan ko. Mas matinik, mas matarik pero may tiyak na patutunguhan.
Katulad ng palagi kong sinasabi, ang sucess naman ay may kanya-kanyang mukha at may kanya-kanyang antas depende sa may katawan.
Pero para sa akin, iyong 15 years ko sa radyo, telebisyon at radyo ay nagamit ko ring hagdanan sa bagong 20 years na nilakbay ng aking career mula noong 2005 hanggang 2024.
Maaring sa iba ay hindi ito tagumpay pero para sa akin, naabot ko ang aking target sa lahat ng mga obra na aking naipinta. Naka-survive tayo sa malalakas na hampas ng alon ng buhay nakadepensa tayo sa mga bigwas ng panahon, kasama na ang pandemic—at ito ay ipinagpapasalamat natin sa Panginoon at sa mga taong naging katuwang natin .
Ngayong bagong taong 2025, huwag kang matakot mag-iba, huwag kang panghinaan ng loob sa mga gusto mong marating gamit ang likas mong kasipagan, karunungan at kasanayan.
Gumuhit ka ng mga bagong opurtunidad, lumipad ka nang mas matayog pa sa narating mo sa nakalipas na mga taon. Ang mga nagtatagumpay ay ang mga taong hindi humihinto sa pag-aaral at pagtuklas ng mga bagong kaalaman.
Bumangon ka patungo sa bagong anyo ng tagumpay. Isang Bagong Taon, isang bagong ikaw! Happy New Year sa ating lahat.