
Yarra ipinaiimbestiga pagbaril sa sarili ng pulis sa inuman
IPINAG-UTOS na ni Quezon City Police District (QCPD) Director, PBGen Antonio Yarra ang masusing imbestigasyon sa pagkamatay ng isang pulis na sinasabing nabaril ang sarili habang nakikipag-inuman sa kanyang mga kaibigan sa Quezon City kamakalawa ng madaling araw.
Kinilala ni Yarra ang biktima na si PCpl Higinio Wayan, 31, nakatalaga sa QCPD-Kamuning Police Station (PS 10), at residente ng B63 L1, Kasayahan St., Brgy. Batasan Hills, Quezon City.
Ayon kay Yarra, kasama sa iimbestigahan ang mga taong kasama ng biktima nang maganap ang insidente na kinabibilangan nina PCpl Harold Mendoza, PCpl Sherwin Rebot at sibilyan na si Lorenzo Lapay.
Sinabi ni Yarra na ang naturang dalawang pulis na kasama ng biktima ay pansamantalang ni-relieve mula sa kanilang assignment habang nakabinbin pa ang pagsasagawa ng pre-charge investigation ng mga awtoridad.
Batay sa ulat, bago ang pagkamatay ng biktima ay nakikipag-inuman ito sa kanyang tatlong kaibigan na sina PCpl Mendoza, PCpl Rebot at Lapay, sa inuupahang bahay ni Lapay sa 109 2nd St., Bitoon Circle, Bgy. Commonwealth, Quezon City.
Pagsapit umano ng alas-3:50 ng madaling araw ay nagtungo si PCpl Rebot sa palikuran upang magbawas at iniwan ang baril nito sa ibabaw ng mesa habang si PCpl Mendoza naman ay nagpahinga na.
Nakatuwaan naman umanong kunin ng biktima ang baril ni PCpl Rebot, na isang caliber .40 Glock na may serial number AACU334, at itinutok sa kanyang dibdib.
Narinig pa umano ni Lapay ang biktima na sinabing, “Gusto mo iputok ko pa ito sa sarili ko,” sabay kalabit sa gatilyo ng baril sanhi upang tamaan siya sa dibdib ng bala nito at agarang bawian ng buhay.
Kaagad namang iniulat ang insidente sa mga awtoridad at rumesponde ang mga tauhan ng Batasan Police Station (PS 6) sa ilalim ng pamumuno ni PLtCol Romulus Gadaoni.
Narekober ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) at Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang baril na ginamit ng biktima, isang caliber .45 pistol na may serial number KF10006 at magazine at may 10 cartridges sa loob ng isang asul na sling bag; isang .9MM Beretta pistol na may serial number N48074Z at magazine na naglalaman ng 14 cartridges na nakasukbit sa baywang ng biktima at isang .9MM Beretta na may serial number M20652Z at isang magazine na may 12 cartridges.