Xian1

Xian, ’di pa handang maging tatay

April 20, 2022 Vinia Vivar 196 views

Sobrang excited na si Xian Lim sa nalalapit na airing ng kanyang first teleserye sa GMA-7, ang False Positive.

Sa May 2 na ito magsisimula at dito na nga siya talaga huhusgahan bilang isang Kapuso actor kaya at the same time ay kabado rin daw siya.

“Sobra akong kabado and paulit-ulit kong sinasabi, I don’t wanna let anyone down and all I can do… I think, that’s my biggest fear, noong una pa lang, I remember opening up to Direk Irene Villamor,” sabi ni Xian sa virtual mediacon na ginanap para sa False Positive recently.

Talaga raw kinausap niya noong una pa man si Direk Irene at sinabi niyang gagawin niya talaga ang lahat ng kanyang makakaya para sa proyekto.

“Talagang looking back, gusto ko lang sabihin na binigay ko lahat dito and I wish for the best and more, more projects,” masayang wika ni Xian.

Kung sa serye ay ginagampanan niya ang isang married man na malapit nang maging isang ama, in real life ay inamin ng aktor na hindi pa siya ready na maging tatay sa ngayon.

“Honestly, hindi pa po ako ready,” natatawa niyang sabi. “I think, I need the proper mindset for it.”

Natanong nga rin kung nape-pressure ba sila sa ibang showbiz couples na nae-engage na at nagpapakasal.

Ayon sa aktor, hindi naman.

“Wala namang pressure, hindi ko naman nararamdaman ‘yun. Basta ‘yung kasunduan namin, as long as nagmamahalan kami nang lubos, wow! Basta nagmamahalan kami nang lubos, that’s all that matters,” he said.

Wala pa raw talaga sa usapan nila ng girlfriend na si Kim Chiu ang pagse-settle down at sa ngayon ay ine-enjoy muna nila ang kanilang relasyon.

Sa False Positive ay si Glaiza de Castro ang leading lady ni Xian.

First time niya itong makatrabaho at ayon sa aktor, malakas ang arrive ng kanyang kapareha.

“Si Glaiza is super nice. At first, very intimidating dahil medyo… hindi naman sa malakas ang dating pero malakas ang arrive sabay-tawa. In a positive way, of course, not in a negative way. Na parang nakakahiya naman, kasi siyempre Miss Glaiza de Castro, Asia’s Acting Gem. Kumbaga, ‘saan po ba ako lulugar?’

“It turned out na after a couple of days, mabait po siya na tao and she’s very patient and mapagbigay,” paglalarawan ni Xian sa leading lady.

AUTHOR PROFILE