Default Thumbnail

‘Wow mali 6’ may mga pangalan na!

August 12, 2023 Edd Reyes 479 views

PINANGALANAN na ng Navotas City government ang anim na pulis at isang opisyal ng pulisya na sangkot sa pamamaril sa 17-anyos na si Jemboy Baltazar.

Sa ibinahaging impormasyon ng Navotas City Public Information Office, kinilala ang anim na pulis na sina P/EMS Roberto Balais, P/SSg Antonio Bugayong, P/SSg Gerry Maliban, P/SSg Nikko Pines Esquillon, P/Cpl. Edward Jake Balnco at Pat. Benedict Mangada na pawang nahaharap sa kasong kriminal at administratibo.

Ang dalawa namang opisyal ay kinilala lamang sa mga pangalang P/Capt. Carpio na siyang ground commander at P/Capt. Dela Cruz, ang assistant ground commander, na parehong sinampahan naman ng kasong administratibo.

Nauna rito’y inihayag ni Navotas police chief P/Col. Alan Umipig na hindi ipinaalam sa kanya ng dalawang opisyal na tumatayong team leader ng anim na pulis ang kanilang isasagawang operasyon na nagresulta sa pagkamatay ng 17-anyos na binatilyo.

Sinabi ni Umipig na kung ipinabatid lamang aniya sa kanya ng dalawang team leader na may ranggong kapitan ang gagawing operasyon, napagbilinan sana niya ang mga ito sa mga wastong panuntunan sa pagtugis sa hinihinalang kriminal.

Dahil dito, sasampahan na rin aniya nila ng kasong administratibo ang dalawang team leader na una ng sinibak sa puwesto at inilipat sa Personnel Holding and Accounting Unit ng Northern Police District dahil sa prinsipyo ng command responsibility.

Nauna ng sinampahan ng kasong kriminal at administratibo ang anim na pulis na sangkot sa pamamaril at pagpatay sa binatilyo, kaya’t umabot na ngayon sa walo ang mga pulis na sinampahan ng kasong administratibo.

Kaugnay nito, bumuhos ang tulong mula sa ilang mga opisyal ng pamahalaan at pulitiko sa pamilya ng biktimang si Jemboy, kasabay ng pagdating ng kanyang ina mula sa Qatar nitong Biyernes kung saan siya nagtatrabaho bilang overseas Filipino worker.

Sa kabila ng pagdagsa ng tulong at pagpahahatid ng pakikiramay, hindi lamang ng kanilang mga kapitbahay at kakilala kundi maging sa mga taong-gobyerno, patuloy pa rin ang ngitngit ng damdamin ng pamilya ni Jemboy, lalo na ng kanyang inang si Rodaliza, matapos malaman na iniwan na lamang ng mga pulis sa ilog ang kanyang anak matapos mapatay at lumipas pa ang mahigit tatlong oras bago nai-ahon ang bangkay.

Bagama’t ipinakita na ni Navotas police chief P/Col. Allan Umipig sa dalawang kapatid at lola ni Jemboy ang kuha sa video na nagpapatunay na nasa loob na ng selda ang anim na sangkot na pulis, makaraang i-prisinta para sa inquest proceedings sa Navotas City Prosecutor’s Office para sa kasong reckless imprudence resulting in homicide, nais pa rin silang silipin ni Rodaliza sa piitan upang usigin at tanungin kung bakit nila nagawa sa kanyang anak ang pamamaslang.

Dumating si Rodaliza sa bansa mula sa Qatar makaraan ang dalawang taong pagtatrabaho upang masilayan ang bunsong anak na padadalhan sana niya ng pera bilang regalo sa nakalipas nitong kaarawan noong Hulyo 4.

Mismong si Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Arnel Ignacio at mga senior officials ng Department of Migrant Workers (DMW) ang sumalubong kay Rodaliza sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 nang dumating bago mag-alas 11 ng tanghali.

Nakulong sa Qatar ng halos isang taon si Rodaliza matapos umanong labagin ang kontrata niya sa pagtatrabaho nang maglingkod sa isang amo na dahilan upang siya ay ireklamo.

Nakalaya lamang si Rodaliza nang tulungan ng isang kaibigan at mula noon ay nagpatago-tago na siya sa kanyang pagta-trabaho.

Ayon kay DMW Usec. Bernard Olalia, dokumentado naman ang pagpunta ni Rodaliza sa Qatar kaya’t tinulungan siya ng ahensiya at ng OWWA upang legal na makauwi na ng bansa. Sinagot din ng ahensiya ang lahat ng gastusin, pati na ang kailangan niyang bayaran sa immigration.

Bukod naman sa P100,000 pinansiyal na tulong kay Rodaliza ng DMW at OWWA, nag-abot din ng pansarili niyang abuloy si Ignacio nang magtungo sa burol ng binatilyo, Biyernes ng hapon.

Pinagkalooban din ang pamilya ni Jemboy ng tulong sa pagsisimula ng kanilang pagkakakitaan, pati na ng scholarship para sa dalawang anak na babae ni Rodaliza at ang pagtiyak na pagbasura sa kanyang kaso sa bansang Qatar.

Magugunita na sakay ng isang bangka si Jemboy at isa pang kaibigan noong Agosto 2 pasado ala-1 ng hapon nang dumating ang mga pulis na nagpaputok ng baril, kaya’t sa takot ay tumalon sa ilog ang binatilyo na dahilan para siya paputukan ng mga pulis.

Depensa ng mga pulis, nagpaputok lang sila ng warning shot sa ilog upang pasukuin ang binatilyo na napagkamalan lang nila na suspek sa unang nangyaring barilan sa naturang barangay.

Gayunman, sinabi ng isang opisyal ng Navotas police na noon pa man ay hindi na pinapahintulutan ang pagpapaputok ng warning shot kahit paitaas, dahil posibleng may tamaan kapag bumulusok na pababa ang bala.

Huling opsiyon na lang aniya ang paggamit ng baril sa isang police operation at iyon ay kung talagang nasa panganib na ang buhay ng pulis sa kamay ng hinahabol nilang salarin.

AUTHOR PROFILE