Tansingco

Worker na nagsauli ng P80K, alahas pinuri ng BI chief

October 17, 2023 Jun I. Legaspi 260 views

PINURI ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco ang isang empleyado ng BI nang ibalik sa pasahero ang napulot niyang mga yen na katumbas ng P80,000, alahas at gadgets na laman ng naiwang bag sa Mactan-Cebu International Airport.

Nangyari ang insidente noong Agosto 19 pero kamakailan lang nakarating sa kay Tansingco ang balita.

Ayon sa report, isang miyembro ng BI Border and Intelligence Unit (BCIU) ang nakakuha sa naiwanang bag malapit sa e-gates sa arrival area ng MCIA.

Nadiskubre ni BCIU member na si Lino Hijada ang bag na naglalaman ng mga yen na may katumbas na P80,000, mga alahas at iba’t ibang gadgets.

Sa halip na pag-interesan, agad na iniulat ito ni Hijada sa kanyang duty supervisor na nakipag-ugnayan naman sa mga staff ng Air Asia.

Dahil dito, naisauli ang naiwang bag sa may-ari nito. Nabatid na galing sa Japan ang pasaherong babae at naiwala niya ang kanyang bag nang sumailalim sa immigration proceedings.

Ayon kay Tansingco, nagsilbing mabuting ehemplo ng propesyonalismo si Hijada para sa lahat ng empleyado ng BI.

AUTHOR PROFILE