Richard

Wish ni Richard bumalik si Angel…. Zion gustong mag-cameo sa ‘Incognito’

January 12, 2025 Ian F. Fariñas 71 views

AngelSA January 21 ay ise-celebrate ni Richard Gutierrez (at kambal na si Raymond) ang 40th birthday. Kaya naman sa isang intimate chikahan ay natanong ang bida ng Kapamilya action series na “Incognito” kung ano ang kanyang goals, professionally at personally, ngayong 2025.

Ayon kay Chard, gusto niyang ibigay ang best niya para magawa nang maayos at maging successful ang “Incognito.”

On a personal level, susubukan daw niyang balansehin ang oras sa pamilya’t trabaho.

“Siguro for me, growth, spiritually and mentally and siguro to have a more peaceful year in 2025. Happy naman ako,” seryosong banggit ng aktor.

Nasa plano rin ngayong taon ang paggawa ni Chard ng pelikula. Marami nga raw concepts na pinagpipilian, kabilang na ang galing kay Raymond na isang romcom-action film na mala-“Bodyguard”.

Nang tanungin kung sino sa tingin niya ang pwede niyang makapareha, ibinalik ni Chard ang tanong sa showbiz press.

May nagbanggit ng pangalan ni Angel Locsin kaya sagot ni Chard, “Si Angel, ’no? Sana, ’no? Sana nga bumalik si Angel, eh.”

Kwento ng aktor, matagal na silang hindi nagkikita ng dating perennial screen partner. Pero kahit papa’no raw ay nakakapag-usap sila through Angel’s husband, Neil Arce.

Habang hindi pa plantsado ang 2025 movie project ni Chard, tutok muna siya sa pagiging Ultimate Action Hero sa “Incognito.”

Ayon sa aktor, naiiba ang karakter niya rito bilang isang private military contractor dahil mas maangas at mas may edge kumpara sa papel na ginampanan niya sa top-rating “Iron Heart.”

“Dito sa ‘Incognito,’ ako ’yung mission-based leader ng grupo. So iba, magkaiba siya. In terms of action naman, mas raw dito, more on tactical military style fight scenes and ’yun, wala naman masyadong love interest dito so very mission-oriented ‘yung character ko,” patuloy niya.

Siyempre, nariyan pa rin daw ang pag-aalala ng ina niyang si Tita Annabelle Rama sa mga delikadong eksena na ginagawa niya, pero mas kalmado na ito ngayon kesa dati.

“Ganu’n pa rin, pero medyo mas kumalma na siya ngayon. Nagsawa na rin siguro sa kasasabi na mag-ingat. Lagi siyang nagre-remind na ‘ingat ka,’ ganyan-ganyan. Hindi natin maaalis sa kanya ‘yon, siyempre nanay ’yan. Lagi namang may risk ‘pag gumagawa ka ng action scenes pero mini-minimize namin ang risks na ‘yon,” sey ni Chard, na sanay na ngang may galos at pasa pagkatapos sumabak sa fight scenes.

Halata namang ginagastusan ng ABS-CBN ang “Incognito” dahil bukod sa trainings, bongga rin ang location shoots ng programa. Nakapag-shoot na sila sa Palawan (dream ni Chard), Italy at Baguio, kung saan dumalaw pa ang mga anak ng aktor na sina Zion at Kai.

Next month, sa Japan naman nakatakdang mag-shoot ang production.

“Bumisita sila (Zion at Kai) sa akin sa Baguio. Ayaw na ngang umuwi kasi nag-enjoy sila manood ng action sequences,” kwento ni Chard.

Ang dami raw tanong ng mga bagets at si Zion gustong mag-cameo sa show.

“Oo, gusto raw niya mag-cameo. Ako, papayagan ko siya depende sa kwento na magagawa ng mga writers. Pero why not? Kung mai-enjoy naman namin, experience din ’yon for him, ‘di ba? Paglaki niya pwede niya sabihin na nag-guest siya sa ‘Incognito’. Oo, sa ‘Fantastica,’ nag-cameo siya sa ending,” lahad pa ni Chard.

Anyway, ang “Incognito” ay magsisimula nang mapanood sa Netflix sa Jan. 17, sa Jan. 18 sa iWantTFC at Jan. 20 sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, Jeepney TV, A2Z at TV5.

Kasama ni Chard sa action-packed series sina Ian Veneracion, Daniel Padilla, Baron Geisler, Anthony Jennings, Maris Racal, Kaila Estrada at marami pang iba sa direksyon ni Lester Ong.

AUTHOR PROFILE