
Win nanawagan ng malakas na proteksyon vs cyber hacking
NANAWAGAN si Sen. Win Gatchalian sa mga ahensya ng gobyerno at pribadong sektor na palakasin ang proteksyon laban sa mga banta sa cybersecurity kasunod ng pangha-hack sa Philippine Health Insurance Corp. (Philhealth).
Kasabay ng panawagan, inihain ni Gatchalian ang Senate Bill 2066, o ang Critical Information Infrastructure Protection Act.
Nagmamandato ang panukalang ito sa lahat ng critical information institutions (CII) na maglatag ng mga sapat na mga hakbang para protektahan ang kanilang mga sistema at imprastraktura ng information and communications technology (ICT) at tumugon sa anumang insidente ng information security.
Nagmamandato rin ito sa Department of Information and Communications Technology (DICT) na tukuyin at i-update ang mga pamantayan sa seguridad ng impormasyon na kailangang sundin ng mga CII.
Inaatasan din nito ang National Computer Emergency Response Team (NCERT) na kumilos bilang isang central authority para sa mga computer emergency response team sa bansa.
Dapat ding at pangasiwaan ng NCERT ang isang “centralized information security incident reporting mechanism” na saklaw ang mga industriya ng banking and finance, broadcast media, emergency services and disaster response, enerhiya, kalusugan, telekomunikasyon at transportasyon.
Ayon kay Gatchalian, mas maraming Pilipino at negosyo ang umaasa sa digital technologies para maisagawa ang kanilang pang-araw-araw na aktibidad.
Kumukunsumo nang higit pa sa 4.3 na digital services ang mga Pilipino bago mag- pandemya.
Patuloy na lumalawak ang e-commerce at inaasahang magkakahalaga ng $10.3 bilyon pagdating ng 2025 ang benta, sabi ng senador, batay sa pagtatantya na ginawa ng GlobalData.
“Panahon na para gawin natin ang mga kinakailangang hakbang para maprotektahan ang ating kritikal na imprastraktura ng impormasyon sa pamamagitan ng pagtiyak at pagsunod sa international standards ng cybersecurity,” sabi ni Gatchalian.
“Sa pagtaas ng paggamit ng mga digital na teknolohiya sa ating pang-araw-araw na buhay, naghahanap ng mga kahinaan sa mga sistema at network ng ICT upang magnakaw ng impormasyon, makapag-gambala sa mahahalagang serbisyo at kumita mula sa mga pag-atake ang mga kawatan mula sa mga maliliit hanggang malalaking organisadong grupo,” sabi ni Gatchalian.
Binigay niyang halimbawa ang cyber attack sa database ng PhilHealth kung saan humingi ng $300,000 ang mga cybercriminal kapalit ng pagbibigay ng mga decryption key at ang pagtanggal at hindi pag-publish ng data na iligal na nakuha.