Wika ng mga ‘bakunado’

August 22, 2021 Joey C. Papa 84 views

JoeyBangon Kalikasan colum

KAHIT mga nagpapaupa ng mga bahay at kuwarto ay nangangailangan na ngayon ng katibayan na ang isang gustong umupa sa kanilang paupahang apartment o mga kuwarto ay nakadalawang iniksyon na ng mga bakuna o “bakunado” na.

Ipakikita ang vaccination card na may certification pa ng barangay official nila.

“Mahirap na kasi ngayon lalo na’t araw-araw ang pagtaas ng covid cases,” pahayag ng isang nagpapaupa ng mga kuwarto. “Ayaw man naming gawin ‘yon, magkakasama kami sa isang compound kapag tumira sila rito kaya mabuti na yung ligtas kami pare-pareho.”

‘Yun namang nagpapaupa ng maliliit na apartment ngunit nakaisang hilera naman ang disenyo, nakiusap daw ang matatagal nang renter nila na kung magpapaupa ay tiyaking fully vaccinated ang uupa at kung maari pa nga ay may swab test result. Nag-iingat din daw sila.

Humigit-kumulang ay nasa 17, 000 ang covid 19 cases nitong nakaraang Sabado at tila walang humpay ang pagtaas nito.

Kulang nga ba ang bakuna kaya gano’n pa rin ang pagtaaasa ng kaso ng covid 19?

Parang ang nagiging tanong ay kung kailan nadagdagan na ang mga nabakunahan ay saka naman tumaas ang kaso ng covid.

Noong kaunti pa ang nababakunahan ay kontrolado ang pagtaas ng covid ngunit ngayong nadagdagan ang bakunado, saka tumaas.

Dalawang doses na ang naibakuna sa marami. Ibig sabihin ay “bakunado” na.

Kaya may mga isyu na nang hindi ‘umano tatanggapin sa mga mall, sasakyang pampubliko, restoran at iba pang establisimiyento kung di pa bakunado, ibig sabihi’y dalawang turok na ng bakuna ang ibinigay sa isang tao.

Kung isang bakuna pa lang, maghintay na lang ng ikalawang dose ng bakuna upang maging “ligtas” daw.

Ngunit paano namang matitiyak na hindi “fake” ang vaccination card?

Madiskarte daw ang mga Pinoy at upang makalusot ay magpapagawa na lang ito sa mga “guerilla printing press” ng card. Kung ang pera nga napepeke, bakuna card pa.

Anu’t –anuman, malakas ang pagtitiwala ng mga tao ngayon sa mga taong “bakunado.” Malakas na ang “anting-anting” ng mga ito ‘ika nga.

Ang ibang bakuna ay may bisa daw ng anim na buwan at ang iba ay mas mahaba naman.

Ngunit ligtas na nga ba kung “bakunado” na?

May ilang opisyal na kahit na “bakunado” na ay tinamaan pa rin ng covid. Ang ilan nga ay dalawang ulit pang tinamaan.

Kailangan talagang palakasin pa rin ang kalusugan nating lahat. Bukod sa bakuna, puwedeng uminom ng Lagundi, Sambong, Serpentina, tawa-tawa, virgin coconut oil, ehersisyo, at siyempre ang sodium ascorbate.

Uminom lagi ng maligamgam na tubig, kumain ng maraming gulay at isda, wala nang sigarilyo at alak, at magpahinga sa pamamagitan ding 8 oras na tulog. Hanggang maari ay huwag nang uminom ng malamig na tubig o anumang malamig na inumin upang maiwasan ang sore throat o pamamaga ng lalamunan..

At palagiang magdasal.

AUTHOR PROFILE