De leon

WIFI: Internet connectivity susi laban vs korapsyon

April 21, 2022 People's Tonight 97 views

ANG mabilis at maasahang Internet connection ay susi sa pagsugpo ng katiwalian sa pamahalaan.

Ito ang pahayag ng WIFI (Walang Iwanan sa Free Internet) Party-list, isang grupong nagsusulong ng “free Internet connectivity” sa bansa, bilang solusyon sa maraming suliraning panlipunan mula edukasyon, kalusugan, at paghahatid ng serbisyo publiko.

Ayon kay Atty. Ted de Leon, first nominee ng WIFI Party-list, maiiwasan ang “red tape” o mabagal na serbisyo sa mga tanggapan ng pamahalaan, kung gagawing digital ang mga transaksyon kasabay nang mabilis at maasahang Internet connectivity sa bansa.

“Maraming Pilipino ang nahihirapan sa paulit-ulit at pabalik-balik na proseso sa mga tanggapan ng pamahalaan para lang sa simpleng permit, lisensiya o anumang transaksyon. Lalo pa itong tumatagal kapag nawala o kaya’y nagkulang ang papeles. Dito nagsisimula ang corruption dahil napipilitang maglagay ang karamihan mapabilis lamang ang proseso,” paliwanag niya.

Upang maiwasan ang katiwalian, sinabi ng WIFI party-list na dapat isulong ang mga programa upang palakasin ang IT (Information Technology) infrastructure ng bansa lalo na ang Internet connectivity.

“Ang mga makabagong computer equipment ay ‘di sapat kung hindi naman nag-uusap-usap o walang mabilis at maasahang koneksyon ang mga ito,” dagdag ni de Leon.

Ipinaliwanag niya na pangunahing adbokasiya ng WIFI Party-list ang pagsusulong ng libre o kaya’y abot-kayang Internet connection para sa bawat Pilipino lalo na sa mahihirap.

Kasama sa plano ng grupo ang magbigay ng Internet load allowance tulad ng ibinibigay na gas subsidy sa mga tsuper ng jeepney.

“Napatunayan ang kahalagahan ng Internet connection nitong panahon ng pandemiya. Hindi handa ang bansa sa online learning dahil maraming Pilipino pa rin ang walang computers, smartphones at maging Internet connection. Mayroon mang Internet, mabagal naman at ‘di maasahan,” aniya.

Kapag nahalal sa Kongreso, nangako ang WIFI Party-list na isusulong ang mga panukalang batas na magtatatag ng national broadband system para konektado ang mga sangay ng pamahalaan.

Balak din ng partido na maglagay ng libreng Wi-Fi hotspots sa mga plaza, basketball courts, pati na rin ng mobile o roving Wi-Fi units upang mapalawak ang Internet coverage at makatulong lalo na sa mga mag-aaral.

AUTHOR PROFILE