Welder nakuryente sa QC
PATAY ang 36-anyos na welder nang makuryente sa ginagawang gusali sa Quezon City noong Sabado.
Kinilala ang biktima na si Fermin Colina Reyes, 36, welder ng Starkfest Concrete Inc., at nakatira sa Block 39, Lot 7, Phase 2B, South Ville Aguado, Trece Martires, Cavite.
Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 1:56 ng hapon nang maganap ang insidente sa entrance ng Teresa Heights Subdivision malapit sa Landers Superstore Fairview sa Belfast Ave., corner Bulalakaw St., Brgy. Pasong Putik, Quezon City.
Batay sa imbestigasyon ni PCpl Jordan A Barbado, abala ang biktima at si Mherwhel Sumilang, ng Starkfest Concrete Inc., na nagtatrabaho sa ginagawang gusali.
Habang abala si Sumilang sa paglalagay ng mga screen, bigla siyang nakarinig ng pagsabog mula sa mga live wires.
Ilang saglit pa nakita na lang niyang bumagsak si Reyes sa lupa at nangingisay. Agad na isinugod ang biktima sa Commonwealth Hospital and Medical Center at doon na namatay.