Default Thumbnail

Welder nabundol ng SUV patay

March 7, 2022 Jonjon Reyes 260 views

IDINEKLARANG “dead on arrival” sa pinagdalhang ospital ang isang 38-anyos na welder makaraang mabundol at sumadsad ang minamaneho nitong motorsiklo sa Sta. Cruz, Manila, Linggo ng gabi.

Nakilala ang namatay na biktima na si Jayson Rocha, welder, may asawa, at residente ng Rizal Avenue sa panulukan ng Bulacan St., Sta. Cruz sa Maynila.

Samantala, kasong reckless imprudence resulting in homicide at damage to properties ang kakaharapin ni Jeffrey Reña, 43, office clerk, ng Cavite St., Gagalangin, Tondo.

Batay sa report ng Alvarez Police Community Precinct ng Manila Police District Station 3, bandang alas-11:03 ng gabi nang maganap ang aksidente sa panulukan ng A. Lorenzo Jr., St., at Tomas Mapua St. sakop ng Bgy. 358 Zone 36 Sta. Cruz, Manila.

Lulan ng kulay itim na motorsiklong Suzuki ang biktimang si Rocha habang lulan naman ng Toyota Fortuner SUV na kulay brown metallic ni Reña habang binabagtas ang patungong East, pa-westward lane sa Lorenzo St. habang paparating naman ang biktima na nasa direksiyon ng South patungo sa Northward lane ng T. Mapua St. nang mawalan ng kontrol ang motorsiklo at sumadsad ito ng may 3 metro saka bumangga sa bandang likurang bahagi ng SUV.

Mabilis naisugod sa Chinese General Hospital si Rocha ng mga tauhan ng Prime Care Ambulance subalit dakong 12:16 ng madaling araw, ay idineklarang “dead on arrival” ni Dr. Rommel Sanchez.

Dahil sa kuha ng CCTV (closed-circuit television) camera sa lugar na sakop ni Chairman Leonardo Dechangco Jr., at sa ocular Inspection si P/SSg. Neil Mark Mabasa ng Manila District Traffic Enforcement Unit, kitang-kita ang buong pangyayari ng aksidente na nakatulong sa imbestigasyon.

Ang labi ng biktima ay pansamantalang inilagak sa Carl Cedric Funeral Morgue para sa kaukulang awtopsiya. Nina Jon-jon Reyes at C.J Aliño

AUTHOR PROFILE