Water delivery boy kalaboso sa ‘rape’

April 26, 2022 Melnie Ragasa-limena 47 views

INARESTO ng pulisya ang isang water delivery boy na inakusahang pinagsamantalahan umano ang dalagitang kustomer na may kapansanan umano sa pag-iisip at napag-utusan lamang na bumili ng tubig sa water refilling station na pinagtatrabahuhan ng suspek sa Quezon City.

Ang suspek ay nakilalang si Raf Raf Battuelo Pascual, 32, binata, delivery boy, tubong Cagayan Valley, at stay-in sa water refilling station sa P. Tuazon Blvd., Bgy. Milagrosa Project 4, sa lungsod.

Sa naitalang ulat sa Project 4 Police Station (PS-8) ng Quezon City Police District (QCPD), bandang alas-8:30 ng umaga Abril 24 nang maganap ang insidente sa water refilling station sa nasabing lugar.

Sa imbestigasyon ni P/MSg. Amaila S. Dio ng Women and Children Protection Desk ng PS-8, nagtungo umano ang 17-anyos na dalagita sa nasabing refilling station upang bumili ng tubig na pinagtatrabahuhan ng suspek bilang delivery boy.

Pero habang iniaabot umano ng biktima ang basyong water container sa delivery boy ay bigla itong hinila sa loob saka mabilis na isinara ang pintuan.

Sa loob ay agad na ibinaba ng suspek ang pang-ibabang kasuotan ng dalagita saka sapilitang ipinasok ang kaniyang ari sa kaselanan ng biktima.

Nang makauwi sa kanila ang biktima ay nagsumbong ito sa kaniyang lola na agad namang nagpasaklolo sa mga awtoridad at naaresto ang suspek.

Nakapiit na ang suspek habang inihahanda ang kasong paglabag sa R.A. 8353 sa QC Prosecutor’s Office.