Watch party ng ‘Topakk,’ walang nakatayo para umihi
ISANG masaya at emosyonal na reunion ng buong cast ng pelikulang ‘Topakk’ (isa sa 10 official entries sa darating na Metro Manila Film Festival sa Disyembre) ang naganap na watch party sa Mowelfund preview room kamakailan .
Dumating ang halos lahat ng cast members na kinabibilangan nina Arjo Atayde at Julia Montes kasama sina Sid Lucero, Enchong Dee, Kokoy de Santos, Vin Abrenica, Bernard Palanca at marami pang iba.
Natuwa ang producer nito na si Sylvia Sanchez (sa ilalim ng Nathan Studios na pag-aari ng Atayde family) sa mga dumalo: “Naku, walang tumayo para umihi dahil na-hook na ang lahat sa panonood. Baka raw kasi may ma-miss silang eksena kapag nag-CR break sila.”
Matagal hinintay ng ilang members ng cast na mapanood ang “Topakk” dahil dinala muna ng Nathan Studios ang pelikula sa ilang film festivals sa ibang bansa.
Kaya naman nagulat sila sa kabuuan ng pelikula. Nagpapalakpakan sila at naaliw nang husto, at hindi napigilang madala sa mga emosyonal na mga eksena. Pagkatapos ng movie ay sobrang feeling proud ang lahat sa pinaghirapan nilang proyekto. Nagkamayan pa sila at nagyakapan.
Over lunch, hindi pa rin matapos ang kuwentuhan tungkol sa experiemce sa paggawa ng naturang pelikula.
Nagkaisa ang lahat sa pagsasabing excited na silang mag-promote ng “Topakk” para sa darating na MMFF 2024 mula sa direksyon ni Richard Somes.
Sabi naman ng producer ng movie na si Sylvia Sanchez, “Masarap mag-produce kapag nakikita mong ang ganda ng direksyon at ang huhusay ng mga artista.”
Ayon naman sa mister ni Maine Mendoza na si Cong. Arjo tungkol sa kuwento ng “Topakk”, “We have a very important message to send sa audience. Very interesting ‘yung story.. It’s a very well thought of concept ni direk Richard (Somes). I’m just lucky to be on board, to be doing a project with him,” sabi ng kongresistang aktor sa isang interview.