Default Thumbnail

Wanted ‘holdaper’ dedo sa engkwentro sa QC

January 24, 2023 Melnie Ragasa-limena 213 views

DEAD on the spot ang isa umanong wanted sa kasong robbery sa nangyaring engkuwentro sa Quezon City, Martes ng madaling araw.

Sa report ng Quezon City Police District (QCPD) Holy Spirit Police Station (PS) 14, bandang 2:48 ng madaling araw (Enero 24), nang maganap ang engkuwentro sa Diego Silang Street, Veterans Village, Barangay Pasong Tamo, QC.

Batay sa imbestigasyon nina PSSgt. Renato Centeno, PSSgt. Juderick Latao at Pat. Francis Rodenas, nagsagawa ng operasyon ang Warrant/Intel Operatives ng PS 14, upang arestuhin ang suspek na may alyas na “Tupak”.

Pero nang matunugan umano ni “Tupak” ang mga paparating na mga awtoridad ay bigla na lamang itong nagpaputok ng baril dahilan upang gumanti na rin ng pamamaril ang mga pulis na nagresulta sa agarang pagkamatay ng suspek.

Ang suspek ay sinasabing nasa listahan ng top 7 “most wanted person” ng PS 14 sa kasong panghoholdap.

Nasamsam sa suspek ang isang hindi pa batid na kalibre ng baril na ginamit umano nito sa pamamaril sa mga pulis na aaresto dapat sa kaniya.