Wally

Wally, nag-public apology sa pagmumura: Pasensya na po sa lahat

August 11, 2023 Vinia Vivar 254 views

Humingi na ng public apology si Wally Bayola sa ginawa niyang pagmumura sa “E.A.T.” noong Agosto 10 na naging sanhi ng pagpapatawag ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) sa production team ng noontime show.

Sa segment na “Sugod Bahay Kapatid” ng “E.A.T.” kaninang tanghali ay humingi ng tawad si Wally sa manonood.

“Ako po ay may nabitawang salita na hindi ko po dapat sinasabi. Nagkamali po ako do’n at ako po ay humihingi ng inyong paumanhin at pag-unawa ninyong lahat.

“Pasensya na po. Pasensya na po sa lahat,” ang pahayag ni Wally.

Sinegundahan naman ng kapwa-Dabarkads na si Jose Manalo ang paghingi ng dispensa ni Wally.

“Mas maganda ‘yung ganu’n. Hindi tayo nagmamatigasan, hindi natin kailangan na ‘ay wala, hindi ko sadya, hindi ko mali.’ Pero ang importante, ‘yung humingi tayo ng kapatawaran.

“Muli po, nandito po kami para humingi ng dispensa sa inyo at makakaasa po kayo na hindi na po mauulit ang mga bagay na ito. Maraming salamat po,” saad ni Jose.

Nagpasalamat naman si Vic Sotto kina Wally at Jose sa paghingi ng mga ito ng dispensa at sa pagtanggap ng pagkakamali.

“Ang mahalaga, kapag alam nating nagkamali, eh, dapat, itinatama natin,” sabi ni Bossing.

AUTHOR PROFILE