Walang madaling tagumpay
PALAGI lang nating nakikita ang malaki at masarap na bunga ng tagumpay na hawak ng isang tao pero hindi natin nakita ang mga hirap at pagsasakripisyo na kanilang dinaanan bago nila nakamit ito.
Kung hindi man mahusgahan, ang mga taong ito ay nasasamantala at inaabuso ng mga nakapaligid sa kanya.
Bagama’t nakikita natin ang bunga sa ibabaw, hindi naman natin nakikita ang nasa ilalim nito. Iyong matinding hirap na kanyang dinaanan, iyong mga pakikipagsapalaran niya, iyong pagpupuyat, iyong paggising pa ng umaga para makatugon sa pangangailangan ng trabaho.
Iyong halos dalawa hanggang tatlo ang trabaho para lang mabilis na makaipon at makapundar. Iyong halos antok na antok na pero bawal matulog kasi marami pa siyang dapat gawin para sa obligasyon sa susunod na araw. Nalilipasan ng gutom, tinatamaan din ng mga karamdaman along the way pero ayaw tumigil.
Madalas, ang mga taong nagtagumpay ay nagigising na sa madaling araw habang ang karamihan ay nahihimbing pa sa pagtulog. Ang malungkot, kapag nasa pintuan na siya ng tagumpay, sangkaturak ang distraksiyon mula sa mga inggit, mula sa mga walang magawa sa buhay at mula sa mga taong ayaw siyang umunlad.
Marami ang may ganitong karanasan dyan lang sa tabi-tabi. Ang magandang balita lang, marami rin ang mga napaglabanan ang lahat ng mga nagtangkang maging sagabal sa kanilang tagumpay.
Ganoon lang naman talaga ang buhay, walang madaling tagumpay. Kaya nga huwag lang tayo basta bibigay at susuko sa anumang obstacles na ating nadaanan patungo sa gusto nating maabot.
Ang importante lang talaga, sa tuwing may mga magiging sagabal sa ating pagsisikap, gamitin natin ang mga ito bilang hagdanan para mas mabilis na makaakyat.
Isipin mo lang palagi na iyong mga sumasagabal sa iyo ay mga wala nang pag-asa sa buhay kaya kailangan ka niyang hatakin at idamay kung nasaan man siyang kasawian nasadlak ngayon.
Iyong kaibigan ko na nasa dating na isang higanteng kompanya, makailang ulit iyon hinatak, binato at siniraan ng kanya mismong mga kasamahan dahil nagsisimula na siyang sumikat at lumaki ang pangalan.
Ang malungkot nga, ang mga taong sumisira sa kanya ay palagi pa niyang kasabay kumakain at kung ngumiti sa kanya sa harapan ay pagkakamalan mong anghel.
Nang bumagsak ang kanilang kompanya, hayun, lahat ng sumira sa kanya, wala nang narating samantalang ang siniraan nila noon ay naging last man standing.
Ang aral talaga ng tagumpay ay huwag mong pagtuunan ng pansin ang buhay nang may buhay at huwag kang manira ng taong nagsusumikap na gumawa ng kanyang sariling pangalan.
Gumuhit ka ng sarili mong landas nang wala kang inaapakang iba.