Walang karapatang gumala ang mga kriminal
HANGGA’T ang propaganda ng PNP ay mababa ang crime rate at mas ligtas ang mga mamamayan ngayon, mananatili tayong nasa panganib laban sa mga kriminal na gumagambala sa ating lahat.
Mas gusto ko nang marinig ang PNP na amining may problema tayo sa pagiging agresibo ng mga masasamang elemento ng lipunan kaysa ipagmalaki nila ang mababang antas ng krimen.
Ang sunud-sunod na ambush, kidnapping sa Mindanao at sinasabing patayan sa agawan ng lupa sa rehiyon ay ilan lamang sa mga dahilan para sabihin nating nagkakamali ang PNP sa paghawak nila ng kanilang PR campaign.
Nito lang isang araw, isang bahay sa Paranaque ang niloooban ng anim na lalaki at iginapos pa ang mga tao sa bahay bago nila pinagnakawan.
Mabuti na lang walang pinatay sa mga iginapos dahil kung nagkataon, mas lalong malaki ang problema ng pulisya dito.
Noong May nito lang taon, isang LTO official ang napatay sa ambush sa Quezon City. Sa Bulacan din kailan lang, isang board member ang napatay sa ambush.
Sa Mexico, Pampanga, mag-asawang online seller ang inambus at napatay ng riding-in-tandem.
Ito iyong sinasabi nating dapat umamin muna tayong may problema para makaisip tayo ng mga solusyon. Puwede nating sabihin na aktibo rin naman ang kapulisan sa kanilang paglaban sa mga kriminal at naniniwala tayong hindi naman sila nagpapabaya.
Alam nating lahat naman ng nagiging PNP Chief na katulad ni General Marbil ay walang ibang hangarin kung hindi maging ligtas ang ating komunidad. Kasama talaga sa kanilang gustong maiwanang legacy ang mas maayos at mas mapayapang paligid para maimarka sa kanilang termino.
Hindi rin natin puwedeng sabihing tumatahimik ang mga kriminal ayon lang sa kanilang kapritsto. Mananahik lang ang mga ito kung nararamdaman nilang mas aktibo, mas agresibo ang mga pulis sa pagtugis sa kanila.
Bagama’t may mga ilang restaurant robbery at iba pang kaso ng holdapan sa Metro Manila, pinapuri pa rin natin ang PNP dahil mabilis din namang nalutas ang mga kaso.
Pero pa gusto pa rin nating makita ang mas petmalu na General Marbil na inaatasan ang ating mga kaibigang pulis na lipulin ang mga kriminal na pagala-gala sa ating mga lansangan.
Ang mga peace loving citizens at mga working citizen ang dapat naghahari sa ating mga lansangan. Walang karapatan ang mga kriminal na maglakad sa ating mga lansangan, dapat sa kanila ay nasa likod ng rehas!