Walang kaibi-kaibigan pagdating sa utang
BINARIL at napatay ng 21-anyos na lalaki ang kanyang kaibigan matapos ang kanilang mainitang pagtatalo tungkol sa utang Miyerkules ng madaling araw sa Navotas City.
Binawian ng buhay habang isinusugod sa Tondo Medical Center ang biktimang si Cristelo Mahinay, 32, tricycle driver, residente ng Bonito St. Tabing Ilog, NBBS Kaunlaran, sanhi ng tinamong tama ng bala sa hindi pa batid na kalibre ng baril sa katawan.
Nadakip sa follow-up operation nina P/Capt.Mark Joseph Carpio, Commander ng Navotas Police Sub-Station 5, kasama ang mga tauhan ng Special Weapons and Tactics (SWAT) team, ang suspek na si Kenneth Aliroso ng Blk 44, Lot 29, Bonito St., sa naturan ding barangay habang tinutugis pa ang kanyang kasabuwat na nakilala lamang sa alyas “Rey-Rey”.
Sa ulat ni Navotas police chief P/Col. Allan Umipig kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, naganap ang pamamaslang dakong alas 4:20 ng madaling araw sa Blk 44, Lot 20, Bonito Street na sinaksihan mismo ng 34-anyos na live-in partner ng nasawi na si Mary Jane Parto.
Ayon kay P/Cpl Dandy Sargento, may hawak ng kaso, abala sa kanyang dating ginagawa sa kanilang bahay ang biktima nang magpaalam sa kanyang kalive-in na pupunta lamang sa kanyang mga kaibigan upang humiram ng salapi.
Sinundan ni Parto si Mahinay at inabutan pa niyang nagkakaroon ng mainitang pagtatalo ang kanyang kinakasama at dalawang kaibigan hanggang bumunot na umano ng baril si Aliroso at malapitang binaril ang biktima.
Napasigaw sa pagkabigla si Parto kaya’t mabilis na tumakas ang dalawa, bitbit ang ginamit na armas, habang humingi na ng tulong ang ginang upang maisugod sa pagamutan ang kinakasama na hindi na rin umabot ng buhay.