Walang intensyong nakawan ang gobyerno

September 20, 2021 Allan L. Encarnacion 300 views

Allan EncarnacionPALAGI akong natatanong kung ano ba ang masasabi ko sa Pharmally scandal na iniimbestigahan ng Senado ngayon.

Simula nang pumutok ang P8.2 billion anti-COVID equipment na ito (ppe, face shield and face mask), naririndi na ako sa mga tanong kahit saan ako mapunta. Dahil siguro alam nilang maka-Duterte ako, gusto nilang malaman kung ano ang masasabi ko sa mga nangyayari.

Katulad ng palagi kong pamantayan sa pagsusulat, hindi ako basta lumulundag sa mga nangyayari sa paligid. Mas gusto kong tinitimbang muna ang lahat bago magbigay ng aking 2 cents worth opinion.

Wala sa bokabularyo natin iyong “may masabi lang”, bubulanghit agad ng galit, maglalatag ng ala-genius opinion na acting like smart aleck na alam lahat!

Katulad din yan ng anger management, pag-aralan mong huwag sumigaw pag galit, pag-aralan mong huwag magmura kapag buwisit na buwisit ka na sa nangyari, katulad din yan na huwag kang makasakit o manuntok kapag sasabog ka na sa galit.

Para sa akin kasi, ang paglalahad ng opinion ng mga katulad naming nasa media, dapat maingat, dapat may kapupulutan ng aral, dapat may maging kontribusyon ka sa pagtutuwid ng isyu at hindi makadagdag pa sa gulo.

Ngayon balik tayo sa Pharmally. Lumilitaw sa mga imbestigasyon at sa mga narinig natin, dumaan sa public bidding ang pagbili ng mga equipment, nakapasa sa kalidad ang mga produkto, nai-deliver ayon sa kontrata ang mga binili ng gobyerno at walang ibinigay na cash advance or down payment or mobilization funds ang pamahalaan sa Pharmally.

Ang karaniwang proseso, kapag awarded na ang kontrata, may 20% down ang gobyerno sa contractor kaya pumapasok ang kuwestiyon ng kapasidad ng kompanya na makatupad sa procuring process. Meaning, kapag may 20% down agad, iyon na mismong pera ng gobyerno ang nagagamit sa mga initial deliveries kaya naaakusahan ang ibang kontrata bilang “sitsarong bulaklak” na iginisa sa mantika ang gobyerno.

Sa kaso ng Pharmally, wala siyang nakuhang down payment kahit ang alegasyon ay P625,000 lang ang capital nito batay sa incorporation papers. Dahil naka-deliver, aalisin na natin ang kuwestiyon sa kapasidad kung kaya ba nila ang P82 billion worth ng kontrata.

Ibig sabihin, maayos ang proseso at may tangible deliveries, hindi ghost deliveries tulad ng ibang kontrata sa gobyerno.

Ngayon, ano ang hindi ko gusto sa isyu na ito? Una, bakit peke ang company address? Sa pakikipagtransaksiyon sa pamahalaan or kahit sa pribado, may tinatawag na “contractor in good faith.” Ibig sabihin, dahil maayos na usapan ito, dapat ay maging tapat ka sa lahat ng iyong ibibigay na detalye tungkol sa iyo or tungkol sa kompanya mo.

Hindi ko bibilhin ang katwiran na peke lang ang ibinigay na address pero tapat naman kaming kausap. That’s big no no! Huwag nating kalilimutan na hindi lang address ang hinahanap natin dito, ang pinag-uusapan natin ay accountability! Paano kung may problema sa produkto, saan kita hahanapin? Basic pero importante di ba?

Doon naman tayo sa pagkakabanggit ng mga pangalan na “malapit sa Pangulo” or sa palasyo. Puwede rin naman talaga iyong sinasabing ng mga taong malalapit sa palasyo ay kumikilos ayon lang sa kanilang kapritso.

Iyon nga lang nahuli sa traffic violation na hambog, babanggit ang pangalan ni General kahit hindi naman niya pasahero si heneral at lalong walang kinalaman sa kanyang violation. Pero dahil binanggit ang pangalan ni Heneral, nagparaya si enforcer, hindi na niya tiniketan.

Ganyan din sa pakikipagkontrata sa gobyerno, malakas ang dating depende sa pangalan na iyong babanggitin. Kung minsan nga, hindi na kailangang banggitin, halimbawa, kasama ako sa picture ng Presidente, at minsan nakakasama pa sa mga foreign travels. Kapag nagpunta ako sa isang ahensiya ng gobyerno, kahit hindi ko banggitin ang pangalan ni Presidente, kusa akong binibigyan ng kortesiya or favor.

Sa tingin ko, ganyan din ang nangyari sa Pharmally. Iyong tipong ang dami nyong nakadikit sa palasyo, may pakikipagkaibigan pa nga sa Pangulo tapos gigiri-giri kayo na parang tandang sa proyekto ng gobyerno.

Ang tingin kong isyu rito ay “impropriety” o iyong mga maling kilos ng mga karakter sa isyu. Kapag malapit ka sa Pangulo or perceived closeness to the powers that be”, wala ka dapat sa bisinidad ng pagkikipagkontrata sa gobyerno.

Iyon ang mabigat na kasalanan dito, walang intensiyong dugasan ang gobyerno pero may intensiyong magnegosyo sa gobyerno.

Hindi lahat ng legal ay moral!