Walang humpay na laban para mabuhay tampok sa ‘Project Silence’
Simula na ng laban para mabuhay.
Panganib ang haharapin ng isang grupo ng survivors sa kanilang pagtakas mula sa serye ng sakuna sa isang tulay sa Korean disaster thriller na ‘Project Silence.’
Pinagbibidahan ng late actor na si Lee Sun-kyun, kasama sina Ju Ji-hoon, Kim Hie-won at Kim Su-an, napapanood na ang ‘Project Silence’ sa mga sinehan ngayon.
Sa pelikula, maraming tao ang maiiwang stranded dahil sa matinding foggy conditions na magdudulot ng mahinang visibility sa Airport Bridge.
Sunud-sunod na banggaan at pagsabog ang mangyayari sa tulay dulot ng masamang panahon. Bukod dito, makakatakas ang ilang mutant dogs mula sa isang military experiment na tinatawag na “Project Silence.” Tatargetin ng mga mababangis na aso ang lahat ng kanilang makikita.
Kasama sa mga maiipit sa kaguluhan sina Jung-won (Sun-kyun), isang presidential aide, at ang kanyang anak na si Kyung-min (Su-an); isang tow truck driver (Ji-hoon) at ang kanyang alagang aso; isang mag-asawa (Moon Sung-geun, Ye Su-jeong) na kababalik lang mula sa abroad; dalawang magkapatid (Park Hee-von, Park Ju-hyun) na hindi nakaabot sa kanilang flight; at si Dr. Yang (Hie-won), isang mananaliksik na responsable sa Project Silence.
Haharapin ng mga survivor ang mga nakakatakot na aso at ang nagbabadyang pagbagsak ng tulay.
Ngayong ang buong lugar ay isa nang malaking disaster zone, saksihan kung sino ang mananatiling buhay sa kanila.
Mula sa direksyon ni Kim Tae-gon, ang “Project Silence” ay naimbitahan sa 76th Cannes Film Festival noong 2023 bilang bahagi ng Midnight Screening section, isang out-of-competition segment ng festival para sa mga pelikulang may artistic at popular appeal.
“I wanted to portray the fear and tension in an immersive way when familiar things in everyday life suddenly turn into threats,” ibinahagi sa isang statement ni Tae-gon, na isa rin sa mga sumulat ng screenplay ng pelikula.
Si Tae-gon din ang direktor ng ‘Familyhood’ at ‘Sunshine Boys,’ kung saan nanalo ang huli ng Best Screenplay award sa 2013 Thessaloniki International Film Festival.
Nagsama-sama rin sa pelikula ang ilan sa mga nangungunang personalidad sa mundo ng Korean film production – ang ‘Project Silence’ ay produced ni Kim Yong-hwa (‘Along with the Gods’ director); cinematography ni Hong Kyung-pyo (‘Parasite,’ ‘Snowpiercer’); screenplay ni Park Joo-suk (‘Train to Busan’); at visual effects mula sa Dexter Studio (‘Space Sweepers,’ ‘Along with the Gods).
Ang ‘Project Silence’ ay isa rin sa posthumous releases ni Sun-kyun, isang kilalang aktor na bumida sa mga sikat na drama tulad ng ‘My Mister’ at sa Oscar-winning film na ‘Parasite.’
Saksihan ang isang laban para mabuhay sa kabila ng walang humpay na panganib sa ‘Project Silence.’ Palabas na sa mga sinehan sa buong bansa.