Default Thumbnail

Walang hanggang Salamat, Boss Gus!

January 15, 2022 Marlon Purification 481 views

Marlon PurificationINUUMPISAHAN ko pa lang tipahin ‘tong artikulong ito ay tumutulo na ulit ang mga luha ko.

Bakit ba hindi eh kahit sa panaginip ay ayaw kong isipin na wala na ang pinaka-tatay ko sa diyaryo.

Iyong taong hindi lang boss ang turing mo, kundi alam mong mayroon kang isang mabuti, tapat at magaling na kaibigan.

Hanggang ngayon sariwa pa sa isip ko kung paano araw-araw tatawag sa telepono si Boss Gus. Hindi para utusan ka tungkol sa trabaho kundi para kumustahin tayo, ang ating pamilya at makikibalita sa mga kaganapan sa paligid.

Magkukuwento siya tungkol sa mga bagong impormasyon mula sa mga sources n’ya at magbibigay din ako ng ibang impormasyon tungkol sa pulitika, pulis at kahit showbiz.

Si Boss Gus ang kilala kong Boss na nauuna pang pumasok sa opisina kaysa sa mga empleyado.

Siya iyong papagalitan ka kapag may kulang o mali sa iyong istorya at papaalalahan sa tuwing nasosobra sa tapang ang mga banat nating artikulo.

Sa tuwing pupuntahan ko ito sa opisina, daratnan mo siyang subsob sa trabaho gamit ang ballpen na pula sa pag-e-edit ng aming mga istorya.

Kahit busy, magbibigay oras para makipagkuwentuhan.

Madalas lagi n’ya tayong niloloko kapag may mga trainees na estudyante.

Ipapakilala tayo at saka babanat ng pabirong ‘ingat kayo diyan, matinik iyan!’

Aliw na aliw si Boss Gus kapag alam niyang may kapilyuhan ang ating mga joke. Kahit ‘di nya sabihin, alam kong gustung-gusto niya kami makitang maharot, masaya basta ginagawa lamang naming tama ang aming trabaho.

Si Boss Gus iyong kahit anong utos ay gagawin mo dahil alam mo sa sarili mo na kaya ka niya inutusan ay dahil sa sobrang tiwala ito sayo.

Sa tuwing nagkakasakit o naho-hospital, alam kong magbibilin kay Ma’am Tess iyan kung sino lang sa amin ang puwedeng makaalam at makadalaw sa kanya sa hospital.

Iyon daw ang bilin n’ya!

Sa tuwing magbi-birthday ay siya mismo ang magsasabi na hindi lahat ay ini-invite niya.

Ipararamdam niya sayo na isa tayo sa epesyal niyang tauhan. Or puwede kong ipagyabang na ilan lang kami sa paborito niyang tauhan.

Proud akong nakaririnig na sabihan tayong ‘Bata ako ni Boss Gus!’

Kasi talagang sobrang proud ako na maging Boss, si Boss Gus!

Noong tumakbo tayong opisyal sa National Press Club (NPC) hanggang madaling-araw sa bilangan ng balota ay naka-monitor ang aming Boss.

Gusto niyang malaman agad ang resulta at kaming mga bata niya ang siguradong panalo.

Ang isa sa pinakahindi ko malilimutan sa kanya ay nang may dumating na pinakamalaking pagsubok sa aking propesyon.

Galit siya at masama ang loob sa mga taong sumalbahe sa inyong lingkod.

Ang akala ng iba ay bibitawan tayo ni Boss Gus. Pero nagkamali silang lahat dahil hindi niya tayo iniwan.

Taas noo niya tayong ipinaglaban at ipinamukha sa ating mga kalaban na hindi uubra ang mga gagawa-gawa nilang istorya.

Hindi niya ako pinagalitan o sinermunan at sa halip ay itinaas pa niya ang ating moral at dignidad!

Iyong mga mabubuting salita na binigay niya sa atin sa oras ng kagipitan ang naging daan ko upang patuloy na bumangon at ipamukha na kahit kailan ay hindi magtatagumpay ang kasamaan!

Wala pong Marlon Purificacion ang Journal Group kung wala ang Boss Gus.

Anumang maliit na mayroon ako ngayon ay dahil kay Boss Gus at habang buhay kong tatawin itong utang na loob sa kanila ni Ma’am Tess Lardizabal.

Ayaw kong magsabi ng paalam dahil mas gusto kong sabihin ang MARAMING MARAMING SALAMAT SA IYO BOSS GUS!

Salamat po sa lahat-lahat.

Batid kong magkikita pa tayong muli Boss Gus.

Hindi man ngayon at kung dumating man iyon, ikaw pa rin ang nag-iisang Boss Gus ko doon!

I love you po, Boss Gus!