Walang forever sa panduduro

January 31, 2022 Joey C. Papa 143 views

JoeyAng Pilipinas ay isang bansang agrikultural. Mayaman sa yaman ng lupa at kabukiran.

Ang Pilipinas ay isa ring arkipelago o isang bansang napalilibutan ng karagatan. Mayaman ito sa yaang-dagat.

Mahigit sa isang libo ang pulo o isla ng Pilipinas. Ang mga pulong ito ay mayaman rin sa yamang-dagat at kabukiran.

Agrikultural, karagatan, kabundukan, kagubatang sana’y nakatutulong sa pag-unlad ng ating bayan.

Ngunit konting utot lang daw ay mabilis ang mga kagawaran ng bansa na umaangkat ng asukal, arina, bigas, ngayon ay ang sikat na mga isda at bida ang galunggong.

Ibig sabihin ng angkat ay importasyon. Sabi nga ng isang mangingisda, ang ibinibenta namang isda sa atin ay galing din sa atin. Hinuhuli nila ito sa karagatan natin, inilalagay sa freezer at ibebenta sa atin nang ilado na. Hindi na masarap.

Pero ganito lagi ang patakaran ng ating bansa. Konting kibot importasyon agad!

Kulang daw ngayon ng isda! Aangkat na naman daw! Wakanga naman! Tulungan n’yong huwag harangin ng mga barkong Tsino ang mga mangingisda natin at tiyak na sasagana ang bansa natin sa sarilng huling isda.

Bakit noong panahon hindi pa lubusang sinasakop ang mga Tsino ang ating karagatan, sobra-sobra ang mga isda natin?

Sumikat nga ang galunggong na isa sa pinakamurang masarap na isdang Pilipino. Totoong masarap ang galunggong at ang organikong tilapya. Bata pa ako ay sarap na sarap na ako sa dalawang isdang ito.

Parehong huli lamang sa katubigan ang dalawang isda, isang alat at tubig- tabang at hindi sa fishpen, wala silang lasang gamot o kemikal mula chemical feeds. Matamis noon ang tilapya at kasinglinamnam nito ang galunggong na huli sa dagat!

Ngunit nang magtagal ay nag-iba na ang lasa ngunit tinatangkilik pa rin ng mga Pinoy dahil may angking lasang masarap ang dalawang isdang ito huwag lamang bangus at tilapyang galing sa Laguna Lake na minsan ay naglalasang ”gilik.”

Anu’t anupaman ay masarap pa rin ang galunggong na huli ng mga mangingisdang Pinoy. Maliit lang ito at malutong kapag ipinrito o kaya’y isisigang sa kamias! Ganoon din ang tilapya.

Ngunit ngayon ay aangkat na naman ng galunggong dahil kulang daw? Bawat administrasyon yata ay laging may dahilan para mag-angkat ng maraming pangangailangan daw natin.

Ano ba ang meron sa pag-aangkat?

Dehadong-dehado na ang mga mangingisda natin sa mga Tsino sa dagat.

Dapat ingatan ng pamahalaan ang damdamin ng ating mga kababayang mangingisda na matagal nang dinadaan na lang sa pasensya at pagtitimpi ang ginagawang panduduro ng mga Tsino sa dagat.

Mahirap na nga sa kabuhayan ang mga kababayan nating mangingisda, inaapi pa ng dayuhan at hindi pa tinutulungan ng mga pinuno ng bansa.

Alam naman nating may hanggahan ang lahat. Walang forever sa panduduro.(bangonkalikasan@yahoo.com)

AUTHOR PROFILE