Simon

Walang escort sa VIP para sa BSKE

August 30, 2023 Alfred P. Dalizon 242 views

679 miyembro ng PSPG ni-recall bilang paghahanda sa BSKE

NI-recall ng Philippine National Police – Police Security and Protection Group (PNP-PSPG) ang may 679 protective security personnel mula sa kanilang mga pino-protektahang very important person (VIP) bilang paghahanda sa nalalapit ng Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) 2023.

Kabilang sa mga ni-recall ang 468 security escorts mula sa Metro Manila na iniharap ni PSPG acting director Colonel Rogelio Simon kay Police Brig. Gen. Leo Francisco , acting director for Operation ng PNP sa isang simpleng seremonya sa Camp Crame.

Pinag-report din ni Simon ang natitirang mahigit 200 na tauhan sa kanilang mga regional offices.

Sinabi ni Simon na ang hakbang ay ginawa bilang tugon sa resolution ng Commission on Elecions (Comelec) na nag-uutos na sa sandaling magsimula ang election period, ang mga nagsisilbing escorts ng mga VIPs partikular na sa mga politiko ay kinakailangang i-recall.

Nakasaad aniya sa Section 32 Rule XIII ng Comelec Resolution number 10918 na ang lahat ng karapatan at awtoridad na ibinigay sa security personnel o bodyguards ay otomatikong mapapawalang bisa kapag nagsimula ang election period nitong Agosto 28.

Ibig sabihin nito, ang hawak nilang certificate of authority for security detail ay wala nang bisa kaya kailangan nang bumalik sa kanilang headquarters.

Ang mga na-recall ay isasailalim naman sa vip security orientation/refresher training habang ang iba ay ide-deploy sa iba pang operating division bilang security augmentation.

Samantala, nilinaw ng PSPG na ang sinumang protectee o vips na nais makakuha ng escorts ay dapat sa comelec magpasa ng request.

Sa sandaling maaprubahan ng comelec ang request saka lamang sila magde-deploy ng security personnel. Nina ALFRED DALIZON & ZAIDA DELOS REYES

AUTHOR PROFILE