Acorda

Walang dahilan para ikansela BSKE sa NegOr – PNP

June 6, 2023 Zaida I. Delos Reyes 195 views

WALANG seryosong banta sa seguridad sa Negros Oriental na maaaring maging dahilan upang ipagpaliban ang pagsasagawa ng Barangay at Sangguniang Kabataan Election BSKE sa Oktubre.

Ito ang sinabi ni Philippine National Police (PNP) chief General Benjamin Acorda Jr.

Nilinaw ni Acorda na magbibigay lamang ang PNP ng pahayag sa usapin subalit ang Commission on Elections o Comelec pa rin ang magdedesisyon kung itutuloy o hindi ang eleksyon sa Negros Oriental.

“May nakukuha rin tayong information from the national level at puwede nating ibaba,” pahayag ni Acorda.

“I do believe there is no serious threat as of now sa Negros,” dagdag ng opisyal.

Ang pahayag ay ginawa ni Acorda nang tanungin ito kung nararapat bang i-postpone ang BSKE sa lugar.

Ipinaliwanag ng PNP na patuloy ang kanilang ginagawang “assessment” sa usapin at kung magkakapareho ang rekomendasyon ng PNP at ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ay magiging madali na sa Comelec ang pagdedesisyon.

Kung hindi naman ay magkakaroon pa rin ng debate at doon ibabatay ang magiging desisyon ng Comelec.

Matatandaang noong nakaraang linggo ay sinabi ng Comelec na wala pa silang natatanggap na rekomendasyon mula sa AFP at PNP patungkol sa usapin.

Wala pang rekomendasyon kung idedeklarang “hot spot” ang Negros Oriental sa mga sumandaling ito.