Walang bayad ang maging masaya

March 25, 2022 Allan L. Encarnacion 365 views

Allan EncarnacionISA sa paborito kong linya noong maging aktibo ako sa radio program ay ito: “Walang bayad ang maging masaya kaya huwag maging barat sa pagtawa.”

Hindi ko alam kung natural sa isang incoming 55 years old na tulad ko ang wala pang kahit isang puting buhok. Hindi ko rin alam kung marami kami na nasa ganitong edad ang hindi pa gumagamit ng anti-para o salamin sa mata para makapagbasa o makapagmaneho.

May mga nagtatanong sa akin kung nagkukulay daw ba ako ng buhok dahil sa pagtataka na wala akong uban. Nang arestuhin ako at harangin sa mismong korte para magpiyansa sa kasong libelo nito lang isang nakaraang Lunes, dinala ako ng mga pulis sa presinto. Tinanong ng pulis ang edad ko at kung kailan ako ipinanganak, sabi ko 55 years old, Oct 15, 1967.

Akala ko bakit tiningnan ang aking ulo, iyon pala itatanong lang bakit wala aking puting buhok samantalang siya raw, 46 pa lang, sangkatutak na ang uban. Sabi ko baka lahing Tisoy ka lang.

Hindi ko lang minsan na-encounter ang ganitong mga tanong. Wala namang sekreto kung hindi ang pagiging masaya sa mas madalas na pagkakataon.

Sa pinakahuling World Happiness Report, second placer ang Pilipinas sa may pinakamasayang tao, first placer ang Singapore sa Southeast Asia. Kung ikukumpara sa Singapore sa sukat ng land area, sobrang laking di hamak ng ating bansa.

Ang Singapore na ang laki ay 728 square kilometers ay masyadong maliit kumpara sa ating bansa na 300,000 square kilometers. Halos kasinlaki ng National Capital Region ang Singapore.

Kung simple arithmetic ang sukatan, baka nga una ang PIlipinas sa happiness ranking. Sobrang unlad ng Singapore para sa kanilang land area at population size kaya marami talagang dahilan ang kanilang mga mamamayan para mas maging masaya.

Dito sa atin, ang puntos ng kasiyahan ay hindi ang kaunlaran ng bansa bagkus ay ang ating mga pamilya, mga kaibigan at ang ating komunidad. Bagama’t malayo na rin naman ang narating ng ating bansa sa economic status kumpara sa mga nakaraang dekada, hindi pa rin tayo maikategorya bilang maunlad at highly developed country.

Iyong pagiging masaya nga at pagiging matatag ng mga Pilipino ang palaging nakikita sa mga pag-aaral kaya may mga humuhugot pa rin sa atin bilang inspirasyon.

Katulad ng sinasabi natin, hindi naman kailangang maging mayaman para maging masaya. Hindi naman kailangang marami kang latest gadgets para makuntento sa buhay at inspirado. Kung pagmamasdan lang natin ang kilos ng mga bata, makakapulot ka rin sa kanila ng inspirasyon. Kahit magpitpit lang ng lata o bumali ng sanga habang nangunguha ng gagamba, nakakahugot na sila para maging masaya.

Iyon ang sinasabi natin, hindi mahal ang maging masaya, maraming bagay ang mas dapat nating ipagpasalamat at ikasaya kaysa sa ating mga problema.

Kaya nga kahanga-hanga ang marami nating kababayan na kayang maging masaya sa dami ng kanilang problema.

Sabi nga sa isang kanta, dont worry, be happy.

allanpunglo@gmail.com