WALA SA TAMANG PAG-IISIP
Rep. Acidre kay VP Sara: Wag umakto na parang
IKINABAHALA ni Tingog Party-list Rep. Jude Acidre ang ipinakitang “toxic behavior” ni Vice President Sara Duterte na mistulang indikasyon umano ng kawalan nito ng tamang pag-iisip.
Sinabi ni Acidre na sa halip na sagutin ni Duterte ang mga tanong kaugnay ng paggamit ng kanyang P612.5 milyong confidential fund ay nagdrama ito.
“Bilang Bise Presidente, hindi dapat siya umaakto na parang wala sa tamang kaisipan. Her toxic behavior is concerning and may reflect an alarming state of mind. This does not suit her, especially given the dignity of her office,” ani Acidre.
“Hindi na niya binigyan ng dignidad ang kanyang tanggapan. What happened was a meltdown, plain and simple. And she said many bad things pa na dapat ay hindi naririnig ng ating mga kabataan mula sa kanilang mga lider sa gobyerno,” dagdag pa nito.
Ginawa ni Acidre ang pahayag matapos ang mistulang pagkakampo nito sa Batasan Complex matapos ikulong doon ang kanyang chief of staff na si Zuleika Lopez.
“Her actions and words raise serious questions about her priorities as a leader. Instead of addressing the issues at hand, she is diverting attention with theatrics,” dagdag pa ng kongresista.
Iginiit ni Acidre na ang kailangang gawin ni Duterte ay sagutin ang umano’y maling paggamit nito ng confidential fund ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) noong kanya pa itong pinamumunuan.
“Napakasimple lang naman po ng hinihingi natin: magpaliwanag. Kailangang maipaliwanag niya kung paano ginamit o inabuso ang milyong pondong inilaan para sa OVP at DepEd,” sabi ni Acidre.
“Pero mukha yatang hindi niya kayang ipaliwanag kaya nagwala na lang siya, nag-tantrum,” saad pa ng mambabatas. “Sa halip na tumutok sa mga mahahalagang isyu ng bayan, mas pinili niyang magpakita ng ganyang asal.
Hindi ito ang inaasahan ng sambayanan mula sa isang mataas na opisyal.”
Pinuna rin ng mambabatas ang mga pahayag ni Duterte laban sa mga lider ng bansa, kabilang si Speaker Ferdinand Martin Romualdez.
“Such language and behavior are unacceptable from anyone, much more from the vice president,” sabi ni Acidre. “She should remember that her words carry weight and have consequences.”
Nagbabala si Acidre na ang mga ganitong pag-uugali ay maaaring lalong magpaguho sa tiwala ng publiko sa kanyang pamumuno.
“Walang ibang solusyon dito kundi ang pagiging totoo at transparent. The Filipino people deserve better than this circus,” wika pa ni Acidre.
Muli ring iginiit ni Acidre ang kahalagahan ng pagkakaroon ng pananagutan ng mga opisyal ng gobyerno.
“Confidential funds are taxpayers’ money. Ang bawat sentimo nito ay dapat mapunta sa tamang paggamit. She owes it to the Filipino people to explain herself,” giit ni Acidre.