Wala nang papalit o makakagaya kay Mother Lily — Roderick
Marami ring memories si Roderick Paulate sa pumanaw na iconic movie producer na si Mother Lily Monteverde.
Pagbabalik-tanaw niya sa kanyang eulogy sa last night ng wake, isa siya sa cast members ng first movie venture rng Regal Films na “Kayod Sa Umaga, Kayod Sa Gabi.”
Nasundan pa ito ng isa pang pelikula and later ay gumawa na rin siya ng ibang pelikula sa ibang film outfit kaya nagkahiwalay na sila ni Mother Lily.
“Nakabalik lang po ako nun’g ginawa na namin ‘yung mga ‘Inday’ series ‘yan na, si Marya (Maricel Soriano) na ‘yun,” aniya.
Naging box-office hits daw ang mga pelikulang ginawa nila ni Maricel tulad ng “Inday, Inday sa Balitaw” at “Jack En Poy.” At dito na nagtuluy-tuloy ang paggawa niya sa Regal Films.
Tulad ng ibang Regal Babies, inalaagan at minahal din daw siya ni Mother Lily na parang isang anak.
“Ako po’y nakarating ng Hong Kong in the ‘80s, first time ko, dahil kay Mother. Dinala ni Mother ako, ‘yung kapatid ko, saka ‘yung mother ko dahil kumita ang ‘Jack En Poy’,” kwento ni Kuya Dick.
“Binigyan niya ako ng pera, 4,000 Hong Kong dollars, tandang-tanda ko ‘yun,” dagdag niya.
Namili raw siya nang namili sa HK at tuwang-tuwa raw siya.
Pero ang nakakatuwang twist ng kwento, nang gumawa siya ulit ng pelikula ay ibinawas sa kanya ang ibinigay na pera sa kanya sa HK. Tawa nang tawa si Kuya Dick habang ikinukwento ito.
BInalik naman daw ni Mother dahil binigyan siya ng bonus sa next film.
“Si Mother ‘yung sisigawan ka, lalaitin ka, pero hindi sumasama ang loob namin. Siguro, tampo lang na konti. Pero walang producer na nagparanas sa akin ng katulad ni Mother,” sey pa ng aktor.
Dahil sa rami ng kanyang ginagawang pelikula that time sa Regal Films na minsan ay two movies at the same time pa, minsan ay napapagod na rin siya.
Sabi raw sa kanya ni Mother, “Ay, naku, ‘wag ka reklamo-reklamo, ah, hindi ka gwapo!”
Tawang-tawa ang lahat sa tsikang ito ni Kuya Dick.
Pero ganyan din naman daw ang nanay niya kaya hindi sumama ang loob niya kay Mother.
“Pero in fairness, nakaranas ako ng sunud-sunod na box office dahil kay Mother Lily,” sabi ng komedyante.
Medyo naging emosyonal si Kuya Dick nang alalahanin niya na kaya siya nagkabahay sa San Juan ay dahil sa Regal Films producer.
“Kasi si Mother, kumbaga, gusto niya, may nangyayari sa mga artista niya. Hindi pwede ‘yung artista ka pero wala kang napundar sa buhay, hindi ganu’n si Mother,” sey ni Kuya Dick.
Nakikialam din daw si Mother sa love life niya at alam niyang dahil na rin ito sa malasakit nito sa kanya.
“Kaya ang masasabi ko lang, malaki ang utang na loob ko kung bakit nakilala pa si Roderick Paulate. Mother, hanggang ngayon, trending pa rin po ang mga pelikula ko sa Regal Films katulad ng ‘Bala at Lipstick’,” he said.
“Hindi lang siya nag-invest ng pera at pelikula sa akin, nag-invest siya ng puso bilang ina. Siya lang ang nakakasita sa akin, siya lang ang nakakapintas sa akin pero kahit pinipintasan niya ako, 100% pinagtatanggol ako ni Mother Lily at huwag akong sisiraan ng iba kasi siya ang makakaaway,” he said.
“Hindi pareho ang show business without Mother Lily at sasabihin ko nang diretso, wala nang papalit at walang makakagaya kay Mother Lily,” pagtatapos pa ni Kuya Dick.