Default Thumbnail

Wakasan ang iligal na pagpuputol ng mga puno.

August 2, 2022 Joey C. Papa 736 views

JoeyPagkatapos ng malupit na bagyo o kahit minsan ay habagat lang, susunod na ang mga pagguho ng lupang bundok sa mga komunidad at bayan.

Pagkatapos ng isang lindol, pagguho din ng lupa ang maaasahan.

Tila kakambal ng anumang delubyo ang pagguho ng lupa.

Napanood ko sa isang ulat pantelebisyon ang mga tipak ng bato na halos kasinlaki na ng bahay na hirap na inaalis ng isang backhoe sa kalsada upang ito’y madaanan. Maraming bahay ang puwedeng durgin ng malaking tipak ng bato o buhay ng tao ang puwedeng kitlin ng malaking tipak na batong ito.

May isang pinuno ng pamahalaan noon na naging senador ang naitalaga sa isang lugar sa Norte upang magsagawa ng pagmamatyag, pagtataya, at pagtatasa, kung bakit naganap ang isang malaking pagguho sa isang lalawigan pagkatapos ng isang malakas at matagal na pag-ulan.

Pagkatapos ng kanyang paglibot, sinabi ng opisyal na wala sanang namatay sa pagguhong ’yon kung walang nakatira sa ibaba ng burol, Hindi naman dapat aniya tinitirahan ang ganoong klaseng lugar.

Sumasang-ayon ako sa kanya sa isang puntong ’yon ngunit hindi sa ugat ng problema ng pagguho.

Hindi magkakaroon ng pagguho sa panahon ng malalakas na bagyo o habagat maging ng lindol man kung hindfi talamak ang iligal na pagpuputol ng puno sa mga kabundukan at kagubatan.

Matibay ang lupa kahit sa mga burol at bundok na binibigwasan ng malalakas na bagyo at lindol.

Ang malalaki at matitibay na mga ugat ng puno ang masel ng kagubatan. Hindi nito binibitiwan ang tubig at sinisipsip lamang ito upang kalaunan ay maging tubig-inumin ng mga tao. Sa madaling sabi, hindi magaganap ang pagguho kung maraming puno na may maraming ugat sa mga kagubatan at kabundukan.

Naranasan ko ito at may ilang ulit ko nang ginawang halimbawa ito sa aking kolum. Nasawi ang aking tiya na nakatira sa isang maliit na bungalow sa Cainta, Rizal noong bagyong Ondoy.

Ang Cainta ay nasa ibabang bahagi ng mga kabundukan ng lalawigan ng Rizal na kung saan matatanaw ang bundok ng Sierra Madre.

Hanggang ngayon ay pinag-iinitan pa rin ng mga illegal loggers ang Sierra Madre dahil sa kapal ng kagubatan nito na mayaman sa mga malalaking puno.

Nang kalakasan noon ng bagyong Ondoy, bumababa ang tubig-ulan sa mga maraming lugar kasama ang bayan ng Cainta at lumubog ito. Hindi namin masaklolohan ang aming Tiya na nababad sa tubig mula sa bagyo at nababad ang buong katawan niya nang may pitong oras sa tubig kasama ang nakababatang lalaki na wala ring magawa dahil sa lakas hampos ng alon sa kanilang katawan.

Walang tigil daw ang hampos ng alon sa kanilang magkapatid. Nagdasal umano ang aking tiya at ibinagsak na lang ang kulay suka na niyang katawan nang hindi na niya makayanan ang lamig, pagod at hirap. Malungkot ang pangyayaring ’yon dahil malakas pa naman siya. Isa siyang senior citizen.

Nang nakaburol siya sa kanilang bahay, mapulang lupang galing sa mga kabundukan ng Rizal ang nakita ko sa kalsada hanggang sala ng bahay ng tiya ko. Patunay ito na wala nang pumipigil sa lupa sa bundok kaya tinangay ng tubig-ulan ang mga lupa ng bundok papunta sa mabababang lugar tulad ng Cainta.

Sa nakaraang lindol sa Norte, higit na maraming namatay sa mga pagguho kaysa sa lindol Mamamatay nga raw sa atake sa puso ang isang tao sa lindol dahil sa matinding takot.. Ngunit kung handa at alam ang gagawin ay tiyak na namang makaliligtas naman sa lindol ang sinuman.

Ngunit kung ang mga bahay na kung bakit pinayagang itayo ito sa mga paanan ng bundok o burol, tiyak na may masasaktan kapag gumuho na ang lupang pinalambot na ng kawalan na ng mga ugat ng mga punong pinutol ng mga illegal loggers..

Itigil na ngayon din ang iligal na pagtotroso!

AUTHOR PROFILE