Magi

Waiver of liability- nagkukunsinti ng pagpapabaya at panloloko

February 22, 2025 Magi Gunigundo 333 views

LAGANAP sa mga ospital ang pagpapapirma sa pasyente o sa pamilya nito ng “Consent on Admission” at “Consent to Operation” na pinapahayag ang kusang loob na pagsusuko ng karapatang magdemanda at humingi ng daños perwisyo sa doktor, ospital at mga kawani nito sa pinsalang sanhi ng matinding kapabayaan sa panggagamot o operasyon sa pasyente. Alam ng mga ospital na walang bisa ang “waiver of liability” batay sa batas at sa dami ng mga desisyon tungkol dito ng Korte Suprema , subalit walang lubay ang praktis na ito sa pag-aakalang maloloko ang pamilya ng pasyente na huwag ng maghabol kung sakali.

Kapag ang isang tao na nangangailangan ng agarang medikal na atensyon ay sumugod sa ospital, hindi siya maaaring makipagtawaran ng pantay sa ospital na ipagkakait ang gamot at operasyon kung hindi lalagda sa “ready-made” na “ waiver of liability ” na may dalawang bahagi: unang bahagi, nagbibigay ng pahintulot sa ospital
na pangasiwaan ang anumang anyo ng kinikilalang medikal na panggagamot na itinuring ng mga medikal na kawani ng ospital na makapagpapagaling sa kalagayan ng pasyente; ikalawang bahagi, inaalis ang karapatan ng pasyente at kaanak na magdemanda sa ospital at mga empleyado nito mula sa anumang kapabayaan.

Ang “ waiver of liability” ay tinatawag ng Civil Code na kontrata ng “adhesion”

Para sa isang pasyenteng malubha ang sakit, mahalaga ang bawat sandali at kung nais ng lunas na magdurugtong ng buhay, wala siyang lakas upang tumanggi sa kondisyong nag-aabswelto sa kapabayaan ng doktor, ospital at kawani. Maliwanag na ang pasyente ang mas mahinang partido na nasa literal na awa ng ospital.

Sa Nogales v Capitol Medical Center ( Dec.19,2006) pinagbayad ang doktor at ospital ng daños perwisyo sa pamilya ng pasyenteng namatay dahil sa kapabayaan sa kabila ng depensa ng ospital na mayroon silang hawak na“ waiver of liability” na nilagdaan ng asawa ng pasyente.

Idineklara ng Korte Suprema na labag ito sa patakarang pampubliko dahil inaalis nito ang insentibo ng ospital at doktor na mag-ingat at hindi magpabaya na hinihiling sa bawat uri ng obligasyon (Art. 1172, Art. 1306 at 1409(1) Civil Code ).

Ang hindi paglulubay ng mga ospital sa pagpapapirma ng “waiver of liability ” sa kabila ng kaso ng Nogales at iba pang mga kaso na pinapawalang bisa ang ganitong mga kontrata ng “ adhesion” ay nangangahulugan na marami pa rin mga pasyente at pamilya nito ang naloloko ng ospital sa maling palagay na wala na silang karapatan sa batas na maghabol sa pinsalang sanhi ng kapabayaan ng doktor at ospital. Kung hindi nagtagumpay ang panloloko at nagpursige ang pamilya na maghabol sa korte, hindi naman nawalan ang mga dinemandang ospital at doktor dahil talaga naman silang may pananagutan sa batas. Para sa ospital, wala naman malaking gastos ang “ waiver of liability ” at nakakalamang na hindi na maghabol ang napinsala.

At kung hindi natinag ang diwa ng pamilya ng pasyente na magdemanda, ang gastusin sa paglilitis ay papasanin ng pamilya at ng taong bayan na nagpapasuweldo sa hukom at kawani ng
hukuman na didinig ng kaso. Bata ang dalawang dekada magmula ng hinain ang demanda bago magtapos ang kaso sa Korte Suprema.

Hindi lang mga ospital ang mayroon ganitong praktis. Halimbawa, mayroon din mga recreational gyms, fitness centers, at outdoor sports events na nagpapapirma ng “waiver of liability” sa mga panauhing gagamit ng kanilang lugar ,gamit, serbisyo , o lalahok sa inisponsor na paligsahan o aktibidad . Para sa kaalaman ng lahat, wala rin bisa ang mga ito at nagsisilbing pangpahina ng loob lang sa nais maghabol sa kanilang kapabayaan.

Napakasaklap para sa taong napinsala ng kapabayaan na maloloko pa siya ng mga nagpabaya dahil sa “waiver of liability” na nagkukunsinti ng pagpapabaya at panloloko. Huwag mawalan ng loob kahit nalagdaan ito.

Ang batas at hukuman ay nasa panig ng biktima , hindi sa nagpabaya at nangbubudol.

AUTHOR PROFILE