Default Thumbnail

Waiting Game!

September 16, 2021 Marlon Purification 684 views

Marlon PurificationSIGURADO next week ay magdedeklara na pareho ang kampo nina Senador Manny Pacquiao at Manila Mayor Isko Moreno.

Pero wala pang linaw kung magsasanib puwersa ba talaga ang dalawa o may magkaiba ang kanilang desisyon.

Si Pacquiao ay naunang nagpasabi na maglalabas ng opisyal na pahayag sa darating na Linggo, Setyembre 19; samantalang si Isko, ayon sa ating source, ay maghahayag na rin sa susunod na linggo.

Bukod kay Senadora Grace Poe (na ayaw daw kalabanin si Tito Sen sa vice-presidency race) na maaaring maka-tandem ni Isko, mukhang matindi rin ang negosasyon sa pagitan ni Yorme at ni Vice-President Leni Robredo.

Marami tiyak ang magugulat dito, pero kung pag-uusapan ang pulitika, pareho namang walang tinapay ang kampo ng Dilawan at kampo ni Moreno kaya hindi imposibleng mangyari ang tambalang Isko-Leni.

Hamak na malakas sa survey si Isko kumpara kay Leni, pero ang makinarya ng Liberal Party ay nandyan pa rin and marami pa rin naman ang loyalista sa pamilya Aquino.

‘Wag lang natin kalimutan na may ilang taga-Dilaw din ang nasa kampo ni Senador Ping Lacson na nagdeklarang tatakbo sa pagkapangulo, ka-tandem si Senate President Tito Sotto bilang bise-presidente.

Kaya kung naudlot man ang posibleng pagsasanib puwersa nina Ping at Leni, posibleng nagkaroon dito ng sikuhan sa pagitan pa rin ng magkahiwalay na faction sa Aquino administration — ang Balay at Samar group.

Si Leni kasi ay solid na mula sa grupo ng Balay na pinamumunuan ni dating Senador Mar Roxas at siyempre ang Samar group naman ay mula sa grupo ni dating Executive Secretary Paquito ‘Jojo’ Ochoa. Balay group ang isa sa gumiba noon kay dating Vice-President Jejomar Jojo Binay kaya nabigo nabigong ma-maintain nito ang mataas na survey na naging daan upang matalo kay Duterte noong 2021 national election.

Nitong Miyerkules ng hapon, lumabas sa group chat ng Senate media ang picture naman ni Pacquiao habang ka-meeting sa kanyang mansiyon si dating Speaker of the House Pantaleon ‘Bebot’ Alvarez na dating kasamahan sa PDP Laban Party, pero ngayon ay nasa Reporma Party na siyang partido ngayon ni Lacson.

Kung babalikan natin ang ‘consistent’ na pahayag ni Pacquiao na tatlong bagay lamang ang plano nito — tumakbo sa pampanguluhan, mag-reelectionist bilang senador o magretiro na sa pulitika.

Sakaling hindi matuloy ang tambalang Isko-Pacquiao o Pacquiao-Isko, hindi kaya tumakbo na lang bilang reelectionist senator ang Pambansang Kamao sa ilalim ng Reporma Party ni Lacson?

‘Wag din natin kalimutan ang isang umuugong na pangalan na Gen. Guillermo ‘Guillor’ Eleazar na maaaring maging running-mate ni Pacquiao. Sa October 1-8 na ang filling ng candidacy ngunit mayroon pa hanggang Nobyembre para sa tinatawag na ‘substitution’ sa candidacy – ang buwan na compulsory retirement ng PNP chief.

Sa kabilang dako, nagpapakiramdaman din ang kampo nina Senador Bong Go at presidential daughter Sara Duterte.

Usapan kasi nina Inday Sara at tatay na si President Duterte, isa lamang sa kanila ang dapat tumakbo sa pampanguluhan. Ngayong desidido na si Digong na tumakbo sa ikalawang pangulo, sinabi ng mayora ng Davao City na wala na siyang planong tumakbo sa pampanguluhan.

Ngunit may 700 parallel groups ang patuloy na nananawagan sa pagtakbo ni Inday na mahirap tanggihan. Malabo rin na labanan ni Go si Sara sa pagka-presidente kaya marami pa ang posibleng mangyari bago ang filling ng candidacy sa susunod na dalawang linggo.

Samantala, mukhang tuloy na rin ang pagtawid ni dating Speaker of the House Alan Peter Cayetano sa kampo ni Isko. Senador ang tatkbuhin nito at nangangarap maging Senate President sakaling palaring manalo si Yorme.

Si dating Senador Bongbong Marcos ay tahimik namang umuusad bagaman hindi masyadong napag-uusapan sa media.

Sa mga nakukuha nating ‘confidential survey,’ consistent na nasa Top 3 si BBM sa pampanguluhan kaya ang peg nito ay ‘slowly but surely.

Tuloy pa rin ang tanong kung makakatandem ba nito si Inday Sara o muling magso-solo flight.

Sa kasalukuyan, ‘waiting game’ pa rin ang lahat dahil araw-araw, may kanya-kanyang pailalim na galaw ang mga pulitikong nagnanais na maging Presidente at Bise-Presidente ng bansa.