
‘Wag mag-alahas kung magdi-Divisoria–Mayor Lacuna
PINAYUHAN ni Manila Mayor Maria Sheila “Honey” Lacuna-Pangan ang mga pupunta sa Divisoria at iba pang public areas sa lungsod na iwasang magsuot ng mamahaling alahas.
“Makakasiguro kayo na kayo po ay protektado kung kayo po ay dadayo sa aming lugar, dangan nga lang po, amin pong pinapaalala na huwag na kayong magsuot ng mga mamahaling alahas. Ibayong ingat din po, hindi po natin kasi masasabi na walang mangyayari kahit andito kami at may police visibility,” sabi ng mayor.
Ayon sa alkalde, sadyang dinarayo ng mga mamimili ang Divisoria, Quiapo at Blumentritt para mag-shopping dahil sulit ang mga bilihin sa naturang mga lugar.
Sabi pa ng alkalde, may binuo silang grupo na kinabibilangan ng mga pulis, Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB), Department of Public Service (DPS), City Engineering Office, Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) para tumutok sa kaligtasan ng mga mamimili.
Inihayag ni Mayor Lacuna-Pangan na nagbubukas ang bantog na “night market” sa Divisoria ng alas-6 ng gabi hanggang kinabukasan ng alas-6 ng umaga para bigyang pagkakataon ang mga gustong mamili ng kanilang mga pang-regalo.