VP Sara ‘wag puro banat, magbigay din ng mga solusyon— Young Guns
HINDI lamang umano dapat puro batikos ang gawin ni Vice President Sara Duterte kundi dapat din itong magbigay ng alternatibong solusyon at ipakita na mayroon din itong mga ginagawa na labas sa kanyang opisyal na trabaho upang hindi maakusahan na namumulitika lang.
Ito ang sinabi ng mga lider ng Young Guns ng Kamara de Representantes na sina La Union Rep. Paolo Ortega V at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong sa isang press conference nitong Lunes.
“Sana may ma-offer ka rin na counter na plano at saka syempre may ma-offer ka na serbisyo besides sa official na function mo,” sabi ni Ortega.
Matatandaan na tinuligsa ni VP Duterte ang gobyerno dahil hindi umano nito pinondohan ang flood control program ng Davao City dahil ang mayor dito ay ang kapatid nitong si Baste Duterte.
Umani ng kritisismo ang pahayag na ito ni VP Duterte dahil dapat umano ay nasolusyunan na ang problema sa pagbaha dahil 33 taon na nilang pinamumunuan ang lungsod.
“Mas maganda constructive yung criticism mo. Lahat naman tayo, we are working in the same government, working for the same constituency – mga Pilipino,” sabi ni Adiong.
Sinabi ni Adiong na hindi pa rin tuwirang sinasabi ni VP Duterte kung siya ay oposisyon na.
“We hope that any critique or any statement nya na sa palagay nya ay mali sa gobyerno, since hindi naman po siya opposition … dapat mag-provide siya or mag-offer siya ng other possible solutions o alternative ways para maibsan o mapaganda ang sebisyo ng administrasyon na ito,” dagdag pa ni Adiong. “We hope she can provide us ng alternative solutions if she has one.”