Gonzales1

VP Sara pinayuhang kumonsulta sa doktor

November 24, 2024 People's Tonight 153 views

NAGKAISA ang mga lider ng Kamara de Representantes sa pagsuporta kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez at tinawag na desperadong hakbang ang mga pahayag ni Vice President Sara Duterte upang ilihis ang atensyon ng publiko mula sa mga kontrobersya hinggil sa diumano’y maling paggamit ng P612.5 milyong pondo ng confidential funds.

Binigyang-diin nina Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr., Deputy Speaker David “Jay-Jay” Suarez, at Majority Leader Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe na ang Speaker at ang Kamara ay palaging sumusunod sa prinsipyo ng transparency at mabuting pamamahala.

“Marahil, nag ha-hallucinate na siya, kaya ang advice ko sa kanya ay kumonsulta sa mga doktor,” saad ni Gonzales.

“Malinis ang report ng Commission on Audit (COA) sa paggamit ng pera ng taong bayan ng House of Representatives under Speaker Romualdez, ‘di gaya ng Office of the Vice President (OVP) under VP Duterte,” dagdag pa nito.

Ayon naman kay Suarez, “‘Yung mga paratang ni Vice President Duterte, istorya, drama, at budol-budol lang ‘yan. Sanay sila diyan, eksperto sila diyan sa budol-budol.”

“Diversionary lang ‘yun sa di maipaliwanang na paggastos ng P612.5 million na confidential funds na tinanggap ng OVP (P500 million) and Department of Education (DepEd) noong siya ay education secretary pa,” dagdag pa ni Suarez.

Ayon kay Dalipe, ang paratang na ang diumano’y plano ni Speaker Romualdez na tumakbo bilang Pangulo ang nag-udyok sa Kamara na imbestigahan ang mga akusasyon laban sa Bise Presidente hinggil sa maling paggamit ng P612.5 milyong confidential at intelligence fund ay walang batayan.

“The House wanted to protect public funds and acted on the COA report questioning hundreds of millions of pesos in CIF expenses by Madam Sara Duterte as Vice President and as DepEd secretary,” giit pa nito.

Sa katunayan, sinabi ni Dalipe na hindi pinayagan ng audit commission ang P73 milyon mula sa P125 milyon na confidential funds na ginastos ng OVP noong Disyembre 2022 at pinuna rin ang higit sa P160 milyon mula sa P325 milyon na inilabas noong unang tatlong quarter ng 2023.

“Pinababalik ng COA sa kaban kay VP Duterte ‘yung P73 million dahil diumano iligal ang paggastos nito,” dagdag pa ng mambabatas.

Sinabi ni Gonzales na hindi magsasagawa ng imbestigasyon ang Kamara sa mga ilegal na gawain tulad ng drug trafficking, money laundering, at hoarding at pagmamanipula ng presyo ng mga produkto kung ito ay kumikita mula sa mga iligal na gawain gaya ng paratang ng Bise Presidente.

“Bakit pa kami mag-iimbestiga kung may nakikinabang sa amin sa mga ilegal na gawain? Eh di sana tumahimik na lang kami,” saad nito.

Banat pa ni Suarez, ang Bise Presidente ang umiiwas na magpaliwanag kaugnay ng kanyang paggamit ng confidential funds sa kabila ng patuloy na paanyaya ng Kamara.

“Isa lang ang dahilan ng kanyang pagtanggi: wala siya paliwanag sa paggamit ng P612.5 million confidential funds. Hindi niya maipapaliwanang ‘yung mga resibong walang pirma, walang pangalan, di mabasang pangalan, at pangalan ng bakeshop at isang popular na snack na tumanggap ng mga impormante daw at tumanggap ng daang libo na reward,” ayon kay Suarez na tinutukoy ang isangMary Grace Piattos, na pinaniniwalaang nakatanggap ng confidential funds.

Ito ang dahilan kung bakit gagawin ni Bise Presidente Sara ang lahat, kabilang ang paggawa ng eksena at mga akusasyong walang basehan, upang iwasan ang pananagutan sa maling paggamit ng pondo ng bayan, giit ni Suarez.

AUTHOR PROFILE