VP Sara lumabag sa Konstitusyon
Ayon kay Manila Rep. Joel Chua:
MALINAW na paglabag sa 1987 Philippine Constitution ang naging pahayag ni Vice President Sara Duterte na siya ay tumatayong abogado ng kanyang chief of staff na si Atty. Zuleika Lopez.
Ayon kay Manila 3rd District Rep. Joel Chua, chairman ng House Committee on Good Government and Public Accountability malinaw na ipinagbabawal ng Saligang Batas ang Pangulo, Pangalawang Pangulo, at mga miyembro ng Gabinete na magsagawa ng anumang propesyon habang nanunungkulan.
“Alam ninyo po sa ating Saligang Batas, ang Presidente po, ang Bise Presidente po, at mga miyembro ng Gabinete ay hindi ina-allow na mag-practice ng kanilang propesyon,” ayon kay Chua.
“Kaya hindi ko alam kung ano ang legal basis ng ating Vice President para sabihin niya na siya ang nag-i-stand as legal counsel of Atty. Lopez,” dagdag pa nito.
Nagsimula ang kontrobersiya nang subukang hadlangan ni Duterte ang paglilipat ni Lopez mula sa detention facility ng House of Representatives patungo sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City
Ipinahayag ni Duterte na siya ay kumikilos bilang legal counsel ni Lopez upang pigilan ang paglilipat, ay nagdulot ng mga kwestyon tungkol sa kung ito ba ay ayon sa mga probisyon ng Saligang Batas.
Si Lopez ay na-detain noong Nobyembre 20 matapos i-contempt ng komite dahil sa “hindi nararapat na panghihimasok” sa kanilang imbestigasyon ukol sa umano’y maling paggamit ng ₱612.5 milyon na confidential funds sa ilalim ng Office of the Vice President at Department of Education (DepEd), na pinangangasiwaan ni Duterte bilang Pangalawang Pangulo at dating Kalihim ng DepEd.
Binanggit ni Chua ang Seksyon 13, Artikulo VII ng 1987 Saligang Batas, na nagsasaad: “The President, Vice-President, the Members of the Cabinet, and their deputies or assistants shall not, unless otherwise provided in this Constitution, hold any other office or employment during their tenure. They shall not, during said tenure, directly or indirectly practice any other profession…”
Ipinunto ni Chua na ang probisyong ito ay ganap na ipinatutupad para sa Pangalawang Pangulo at mga miyembro ng Gabinete, hindi tulad ng mga senador na pinapayagan ang limited legal practice sa ilalim ng mga ilang kondisyon.
“Specific po kasi ang ating Constitution: President, Vice President at saka members ng Cabinet. Ang mga senador under limited practice po ‘yan, kung hindi ako nagkakamali. ‘Yan po ay nasa ating Saligang Batas,” paliwanag ni Chua.