Chiz

VP Sara binatikos sa pagbatikos kay PBBM

August 9, 2024 PS Jun M. Sarmiento 579 views

UMANI ng iba’t-ibang reaksyon mula sa mga senador ang kritisismo ni Vice President Sara Duterte sa kasalukuyang administrasyon at nagpahayag ng pagkabahala ang mga senador sa posibleng maging epekto ng batikos sa imahe ng bansa.

Dinepensahan ni Senate President Francis Chiz Escudero si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ayon kay Sen. Escudero, matagal nang “sakit” na hinahanapan ng solusyon ng iba pang mga nagdaan na pamahalaan ang binabatikos sa Pangulo.

Sinabi ni Escudero na hindi niya nakikita ang punto kung bakit dapat sisihin dito ang kasalukuyan administrayon lalo pa’t ang sinundan nito ang ama ni VP Sara na si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

“What is perplexing is her questioning the absence of a flood master plan two years into the administration of PBBM after the previous administration had six years to develop one, but was unable to do so.

Matagal ng problema ang pagbabaha sa bansa. Kung meron kasing nagawa na o nasimulan man lang po noon, eh di meron na po sana tayong napapatupad ngayon,” giit ni Escudero.

Para kay Sen. Joseph Victor Ejercito hindi makatutulong ang mga ganitong uri ng pahayag para makapag imbita tayo ng mga mamumuhunan.

Ayon kay Ejercito, hindi makatutulong ang mga pangit na salita at pananaw bagkus magdudulot lamang ng negatibong epekto para sa ating lahat partikular ang pagtataboy natin sa posibleng mga investors na papasok.

“Nagkakaroon ng doubts sa ating international community, if our two top officials are not united or if they do not have a very good working relationship.

It is a sad development that the relationship of the President and the Vice President has come to this. I am hoping that they would be able to repair their good relationship,” ani Ejercito.

Para kay Senate Minority Leader Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III, hindi napapanahon at hindi rin akma sa sitwasyon ang mga sinabi ni VP Duterte.

“She should have given her counter SONA. And that is how you do things accordingly,” giit ni Pimentel.