Sherwin Gatchalian

Voucher system gusto palawakin ni Gatchalian

August 24, 2023 PS Jun M. Sarmiento 158 views

UPANG matugunan ang siksiksan sa mga silid-aralan, muling isinulong ni Sen. Win Gatchalian ang kanyang panukala na palawakin ang saklaw ng voucher system.

Ayon sa Chairperson ng Senate Committee on Basic Education, tutugunan ng pinalawak na voucher system ang problema sa siksikan sa silid-aralan nang hindi naglalaan ng malaking pondo at panahon sa pagpapatayo ng mga classroom.

Kasalukuyang saklaw ng voucher system ang mga mag-aaral ng senior high school sa pamamagitan ng Senior High School Voucher Program (SHS-VP), isang programang nagbibigay ng tulong pinansyal sa mga kwalipikadong mag-aaral mula sa mga nakikilahok na pribadong paaralan o non-Department of Education (DepEd) schools.

Natatanggap ng mga benepisyaryo ang tulong pinansyal sa pamamagitan ng mga voucher. Iminungkahi kamakailan ni Gatchalian ang pagpapalawak sa programa upang maging saklaw din nito ang mga mag-aaral mula kindergarten hanggang Grade 6.

Ayon pa sa senador, makakatulong ang programa sa mga pribadong paaralan upang makabawi mula sa pinsalang dulot ng pandemya.

Batay sa datos ng DepEd at ng Learner Information System, lumalabas na mula sa 4.3 milyong mag-aaral noong 2019-2020 bumaba ang enrollment sa mga pribadong paaralan sa 3.62 million ngayong SY 2022-2023, o katumbas ng 16% porsyento.

Batay din sa datos ng DepEd at ng 2023-2028 Philippine Development Plan (PDP), 32% (12,524) sa 39,186 na mga paaralan para sa Kindergarten hanggang Grade 6 ang mga may silid-aralang nagsisiksikan ang mga mag-aaral.

Apatnapu’t isang porsyento (4,208) sa mga 10,188 junior high school ang may congested classrooms at 50% (3,737) naman para sa 7,520 senior high school.

Ayon kay DepEd Assistant Secretary for Field Operations Francis Cesar Bringas, tinatayang 159,000 silid-aralan ang kulang sa buong bansa, bagay na kinakailangan ng P397 bilyong pondo.

Sa ilalim ng panukalang 2024 national budget, P10 bilyon lamang ang nakalaan sa DepEd para sa pagpapatayo ng 7,100 na silid-aralan